Tuesday, September 11, 2007

Ang Prayle at ang Pilipino

KABANATA 27 – Ang Prayle at ang Pilipino

Maapoy na nagtatalumpati si Isagani nang lumapit ang isang estudyante. Binulungan siya nitong gusto raw makipag-usap sa kaniya ang pinagpipitagan niyang tagapayo at propesor na si Padre Fernandez.

Nasurpresa si Isagani. Para sa kaniya, si Padre Fernandez ang bukod-tanging kura na modelo sa mabuting pag-uugali. Ayon sa kaniya, ang bawat pareng nakaabito ay dapat isumpa at batikusin upang magtanda.

“A… Ano raw ang gusto niya?”

“Ewan ko, basta ipakisabi raw sa iyo na gusto ka niyang makausap.”

Si Padre Fernandez ang kurang nakaharap natin sa Los Baños ay malungkot na naghihintay sa kaniyang tanggapan. Tumindig ito nang makitang bumukas ang pito at sumungaw si Isagani.

“Pasok, Senyor Isagani! Mubuti’t pinaunlakan mo ang imbitasyon ko,” nakangiting bati ng kura habang mahigpit na kinakamayan ang binata.

“Gusto n’yo raw akong ma…makausap.”

“Natanawan kitang nagtatalumpati. Ang mga kurang may karamdamang tulad ko ay totoong malakas pandinig kung ikukumpara sa mga pareng may mabuting pangangatawan.”

“Alam mo, hangang-hanga ako sa mga kabataang malayang nagpapahayag ng kanilang saloobin. Hindi mahalaga sa akin kung ang mga kaisipan nila ay taliwas sa aking mga paniniwala. Nabalitaan kong nagkatipun-tipon daw kayo sa pansiteria kagabi. Hindi, hindi ka dapat humingi ng paumanhin.”

“Hindi po ako humihingi ng paumanhin.” Pagbibigay diin ni Isagani.

“Mabuti. Mabuti. Nangangahulugan ‘yan na tinatanggap mo nang lubusan ang bawat katagan namutawi sa iyo. Hindi sa pinupulaan kita. Wala na akong pakialam kung anuman ang sinabi mo sa pagtitipun-tipon kagabi at sa talumpatiang binigkas mo kanina. Karapatan mo, Senyor Isagani, ang anumang gusto mong sabihin laban sa mga Dominiko. Kung tutuusin, hindi ka purong estudyante ng Unibersidad. Ngayong taon lang na ito pumasok ka sa institusyong Dominiko. Sa pakiwari ko, ba…baka hindi ka na tanggapin pa ng mga paaralang ito kung pagbabatayan ang saloobin ng mga kasamahan ko sa kumbento. Kakaunti ang mga kabataang may panindigang tulad mo. Ang dignidad mo ang naging batayan ko upang matapat na kausapin ka. Ipagpaumanhin mo, iho, na palakad-lakad ako habang nakikipagusap sa iyo. Marami akong naiisip kapag ginagawa ko ito. Ma… maupo ka upang makapagpahinga. Tiyak na napagod ka sa pakikinig sa mga sinasabi ko.”

Nanatiling nakatindig at taas-noo si Isagani. Nais niyang malinaw na mapakinggan ang bawat salitang ipinapahayag sa kaniyang iginagalang na propesor.

“Walong taon na rin akong propesor sa Unibersidad. Naturuan ko na ang humigit kumulang sa dalawang libo at limaang daang estudyante. Malinaw na ipinunla ko sa kanilang katauhan ang mga kaisipan ng katarungan at dignidad. Totoong may mangilan-ngilang komentaryo laban sa mga kasama kong kura ang ilan sa mga estudyante ko sa eskwela. Pero kapag nakaharap na ang pinupuna ay parang santong niluluhuran nila ang mga kasamahan kong kura. Totoo, Senyor Isagani, na may mangilan-ngilang tumatarak sa aming katauhan kung talikuran subalit humahalik naman sa aming mga kamay kung harapan. Ano sa palagay mo ang dapat naming isipin sa mga pakitang taong aming napapansin?”

“Hindi lang sa kabataan dapat ibunton ang sisi. Ang malaking kasalanan ay nasa kamay ng mga nagturo sa kanila upang maging ipokrito. Sa mga kaluluwang umalipin sa kanilang malayang isipan upang tumahimik lang. Dito, oo, dito Padre Fernandez sa bansang ito hinuhusgahan ng marami sa inyo na ang malayang kaisipang sinasalita ng kabataan ay pag-aalsa na raw sa pamahalaan at sa simbahan. Lagi at laging nabibingit sa panganib at pag-uusig na abot hanggang langit ang sinumang magpahayag ng kaniyang malayang kaisipang walang pinangingimian.”

“Hindi ba kita ginanyak na malayang-malayang magsalita sa klase? Isa ka sa iilan na maaaring payagang bigyan ng sapat na kalayaan upang magpahayag ng malayang kaisipan.”

“Isa rin kayo sa iilang pumayag magbigay ng karapatang iyan. Pero naririto tayo hindi upang buhatin ang ating sariling bangko. Naririto tayo hindi upang tukuyin ang mga partikular na bagay na nagawa na natin. Kailang malawak-lawak na pananaw natin masuri ang kalayaan.”

Namilog ang mga mata ni Padre Fernandez. Hindi naisip ng kura na higit na malalim si Isagani sa aktuwal na pagkakakilala niya rito. Bagamat propesor ang tawag sa kaniya ng binata, nadarama niyang sa tono ng pananalita ni Isagani ay magkapantay lang silang dalawa. Sapagkat mahusay sa diplomasya, minarapat ng kura na huwag ipagpilitan sa binata ang tingalain niya.

“May tinutungo ang usapan natin. Mabuti at malaya mong binuksan ang puso mo. Huwag mo akong ituring na propesor mo, Senyor Isagani. Ituring mo na lang ako na isang ordinaryong kura at ituturing naman kitang isang ordinaryong estudyante sa eskwela. Huwag na tayong magpaliguy-ligoy pa. Sabihin mo kung ano ba talaga ang gusto ng mga estudyante.”

“Simpleng-simple lang, Padre Fernandez. Hangad ng mga estudyanteng tumupad sana kayo sa inyong mga obligasyon.”

“Mga obligasyon? Bakit, hindi ba kami tumutupad sa dapat naming gawin? Anu-ano bang obligasyon din kayong dapat sundin upang ‘di mapalayo sa batas ng pamahalaan at batas ng pinakamakapangyarihan.”

“Bilang estudyanteng Pilipino, hayaan ninyong bigyan pansin ko ang mga obligasyon ninyo sa mga kabataang katulad ko. Bilang tagapagtaguyod ng edukasyon, obligasyon ng mga kurang katulad ninyo na paunlarin ang mga kabataan sa mga larangang pisikal, intelektuwal at moral. Dapat lang na akayin ninyo kami upang marating namin ang tagumpay. Ang tagumpay namin ay tagumpay din ninyo –pero ginagawa ba ninyo ang mga obligasyon ninyo?”

“Bakit, hindi ba?”

“Maaring isa nga kayo sa mangilan-ngilang nagsasagawa. Pero ang higit na nakararami ay lagi nang nagawawalang bahala. Isa pang masakit na katotohanan ay kawalang motibasyon ng mga kasamahan ninyo sa pagpapalawak ng talino ng mga kabataang kinakatawan ko. Sa halip na mapaunlad ang aming mga isipan, ang mga kura pa ang nagbabaon sa amin ng kumunoy ng kamangmangan. ‘Yan ang nagaganap sa kasalukuyan. May hinuha akong gusto ng mga kasamahan ninyong lumaki kami sa kadiliman, upang hindi namin makita ang maliwanag na daan tungo sa kaunlaran. Kung pakasusuriin, sa halip na isakatuparan ninyo ang maganda sanang layuning maturuan kami ay hinahadlangan pa ninyo at sinusupil ang marubdob na hangarin naming matuto at tumalino. Kung tutuusin, kayo ang lagi at laging nagpapaikot sa mga guro namin upang mawalan sila ng inspirasyong magturo. Tinatanggalan ninyo sila ng dignidad bilang edukador upang ‘di sila igalang ng mga kabataaan. Ipinagpipilitan ninyong gawing batayan ng mga guro ang kamangmangan at matatandang kaisipang niluma na ng panahon upang hindi na makaahon pa sa kamangmangan ang mga kabataang patalikod kung humahakbang. Kung pakasusuriin, wala kayong naibigay at wala ring panagarap na maghandog ng anumang bagay na ikakatuwa naming mga kabataan. Pero kakaiba ang ipinapakita ninyo sa mga bilanggo. May subasta pa kayong isinasagawa mabigyan lang ng sapat na pagkain ang mga kriminal. Bakit, mas mahalaga ba ang mga bilanggong nakukulong sa piitan kaysa sa mga kabataang ang

tanging pangarap ay makapasok sa paaralan? Nakakalungkot isipin, Padre Fernandez, na sa ibinabayad ng pamahalaan sa pagpapakain sa kriminal ay maring tumutubong magnanakaw. Iyan, iyan ang napakasaklap na mapalusog ang mga bilanggo, ang sapat na karunungan ay dapat ding ibigay sa mga kabataang uhaw sa katalinuhan.”

“Napakabigat mong magparatang, Senyor Isagani! Dapat mong isiping ang paaralan ay hindi para sa lahat ng kabataan. Dapat lang itong buksan sa mga piling estudyante sa mga lungsod at lalawigan. Mabuting kaasalan at mataas na moralidad ang dapat taglayin ng kabataan upang mapaunlakang makapasok sa isang eskwelahan.”

“Sino po ang dapat sisihin sa kawalan ng kaasalan ng kabataan sa kasalukuyan?”

“Isang bagay na hinding-hindi mo mapapasubalian ang katotohanang mula sanggol pa lang ay laging ina na ang kasa-kasama ng mga kabataan sa kani-kanilang tahanan.”

“May depekto ang mga kabataan dahil sa uri ng nilakihan nilang tahanan. Iyan, ang gusto mong ipakahulugan, Padre Fernandez. Totoo na may kasiraan ang kabataan pero kayo at ang mga kasamahan ninyo ang dapat sisihin sa mga kahinaang ito. Kayo na namamahala sa mga paaralan at daan-daang taong humuhubog sa aming katauhan. Kayo na umalipin sa aming isipan upang mahirati sa kadiliman. Kung ano po kami ngayon ay dahilan lamang ng maling paghubog na isinagawa ninyo noon. Inalipin ninyo kami kaya heto at sumisikad at nag-aalma. Ipinagkait ninyo sa amin ang katotohanan kaya heto’t abot langit ang pagisisinungaling namin. Pinagapang ninyo kami sa lupa kayat heto’t kayakap namin ang aming kaapihan. Tatlong daan at limampung taong napailalim kami sa inyong lakas. Naging sunud-sunuran kami sa anumang maibigan ninyo. Binusabos ninyo ang aming pagkapilipino. Maihahalintulad ko kayo sa mga eskultor na planadong humuhubog sa aming kabataan. Sapagkat higit na marami ang kapintasan ng sana’y likhang sining na inyong ginagawa sa matagal na panahong inilagi sa aming bansa, dapat lang namin kayong isumpa sapagkat sa halip na lumikha, kayo ay naninira!”

“Papaano kami makagagawa ng maganda o makalilikha ng isang bagay na kahanga-hanga kung ang mga putik na ginagamit namin ay pawing masasama?”

“Pero bakit kailangan ninyong mag-aksaya pa ng panahon? Alam pala ninyong walang magandang ibubunga ang paghulma sa kabataang Pilipino ay nagpatuloy pa kayo sa paglikha ninyo? Higit sigurong nakabuti kung iniwan ninyo kami. Hinayaan sana ninyong ibang eskultor ang humugsi sa aming katauhan at kabansaan.”

Hindi kaagad nakapagsalita si Padre Fernandez. Alam niyang nasukol siya ng matalinong binata. Hindi ipinadama ng kura na labis siyang humahanga sa malalim na kaisipan ng kausap. Nagsisisi siya ngayon kung bakit kailangang ipatawag at makipagtalo siya sa estudyante niya. Pero huli na ang lahat upang tumalikod ang propesor. Upang hindi maprito sa sariling mantika, inilayo niya kaagad ang paninisi sa mga estudyante. Sa halip, ipinako niya ngayon ang komentaryo sa pamahalaan.

“Sa amin sinisisi ang lahat ng pagkakamali sapagkat kami lang ang nakikita mo sa malapitan. Malaking-malaki mo kaming nasusuri sa inyong harapan. Diyan, diyan nakasalalay ang kawalan ninyo ng katarungan. Natural lang na kainisan ninyo ang isang gwardia sibil na umaresto sa inyo at patawarin na ang huwes na nagpakulong sa inyo. Maihahalintulad tayo sa dalawang sumasayaw sa saliw ng musika. Kung sa isang iglap ay itinaas mo ang pa mo kasabay sa pagtaas ko sa binti ko, hindi mo ako dapat sisihin sapagkat ang musika ang gumagabay sa ating mga galaw. Kami ay umaalinsunod lamang, oo, umaalinsunod lamang sa kung ano ang iniutos sa amin at sapagkat ang pamahalaan ang nag-uutos, natural lamang na para kaming maamong tupang dapat sumunod.”

“Nangangahulugan ba, Padre Fernandez, na batas ang ipinag-uutos sa inyo ng pamahalaan na ilugmok ang mga kabataan?”

Aba, aba! Hindi ganiyan, Senyor Isagani, ang ibig kong sabihin. May mga batas at kautusang mabuti ang layunin subalit nakakapinsala sa nakararami. Teka, teka, mukhang napapalayo ang tinutumbok n gating usapan. Kung inyong aanalisahin, ang mga kasiraang inyong binabanggit ay hindi dapat ibunton sa amin. Hindi rin tio dapat na isisi sa… sa pamahalaan. Nabuo ang kasiraan dahil sa…”

“Dahilan sa ‘di gaanong maganda ang pagkabuo ng sistema n gaming lipunan: qui multum probat nihil probat… ang nagpapatunay na marami ay walang napapatunayan, na nasisira ito sa sobrang pag-iingat, kakulangan sa pangangailangan at labis na kalabisan. Inaamin ninyo na hindi kabataan ang may kasiraan kundi ang inyong lipunan. Bakit kailangang was akin muna ninyo ang kabataan bago ayusin ang lipunan?”

“Dapat mong isaalang-alang na nasa pamamahala ng Espanya ang Pilipinas, Senyor Isagani.”

“May katotohanan ang ipinahayag ninyo. Pero nais kong pagbalikan ang inyong sinabi na tungkol sa kasiraan ng inyong lipunan. Bakit ‘di ninyo pakasuriin ang lipunang inyong kinabibilangan at tingnan kung saan ang kakulangan? Makabubuting pakinggan ninyo ang mga kabataang inyong pininsala. Kung magtatago kayo sa likod ng pamahalaan, hindi na kami maghaharap ng hinaing, sa inyong pamahalaan ng kami tutungo!”

“Bakit hindi mo tukuyin kung anu-ano ang gusto mong gawin namin?”

“Hinding-hindi kayo ang dapat humadlang na kami ay matuto.”

“Hindi dapat humadlang? Isa yang malaking pagpapatiwakal!”

“Huwag kayong mangamba. Kung magpapakita kayo ng malasakit sa kabataan, natitiiyak kong magbabago ang kanilang kaasalan.”

“Tandaan mo, Senyor Isagani, na hindi namin sila pinipilit pumasok sa paaralan. Malawak ang mga bukiring ‘di pa nabubungkal.”

“Angkin ng bawat isa sa atin, Padre Fernandez, na maghangad na paunlarin ang sarili. Dapat lang na suriin ang anumang magagawa natin para sa atin, para sa iba at para sa bansang mararapat lang nating paglingkuran. At tungkol sa mga bukid na binabanggit ninyo, kailangan din naming lubos na matuto. Hindi sa mahabang panahon ay bukid ang haharapin namin. May iba pa rin kaming gustong matutuhang gawin.”

“Subalit ang karunungan ay ihahandog lamang sa mga taong may karangalan!”

“Bakit, Padre Fernandez, wala ba kaming dangal?”

“Hindi. Hindi ganiyan ang ibig kong ipakahulugan. Sa pakiwari ko, kayo ang may pangangailangan sa karunungan kaya kayo ang dapat na gumawa ng hakbang.”

“Tama ka, Padre, kami ang dapat na umiisip ng kasagutan. Kami ang dapat mangarap upang makamtan ang karunungan at mapatatag ang aming lipunan. Kapag naisabalikat na namin iyan, tiyak na liligaya ang mga mahal namin sa buhay.”

“Isagani,” mahigpit na inakbayan ng propesor ang kaniyang estudyante, “malaki ang natutuhan ko sa pakikipag-usap sa iyo. Ibabalita ko sa mga kasama ko ang lahat nang napag-usapan natin. Nangangamba akong baka ‘di sila maniwalang may isang de-kalikad na kabataang katulad mo na dapat hangaan, kamayat at saluduhan.”

“Ganiyan din, Padre Fernandez, ang nadarama ko. Tiyak na mag-uusisa rin sila kung totoo ngang may isang kurang katulad ninyo na pumapanig sa katotohanan at sa katarungan at hinding-hindi napaaalipin sa opinyon ng kasamahan.” Ipinagdiinan ni Isagani ang salitang hindi paaalipin na ikinatulig ng kurang iginagalang.

Matapos kamayan nang mahigpit ay mabilis na nagpaalam si Isagani kay Padre Fernandez. Tinanaw ng kura ang papalayong estudyante niya. Kitang-kita nitong huminto ang binata nang may makasalubong na kaeskwela. Naulingan ng kura ang usapan ng dalawa.

“Mukhang nagmamadali ka, Isagani. Saan ka ba pupunta?”

“Sa tanggapan ng Kapitan Heneral. Gusto kong makita ang mga paskel. Sasama ako sa mga kabataang andoon. Ngayon dapat makita ang tunay na kulay natin. Halika, sumama ka!”

Nahalata ng kurang nanginginig ang mga tuhod ng inimbita. Sa halip na sumama ay nagdahilan ang inimbitahang may napakahalagang pupuntahan. Kahit malayo ay tinanaw pa rin ng kura si Isagani habang naglalakad palabas ng gusali ng eskwela.

Nadarama ni Padre Fernandez na magtutungo sa tanggapan ng pamahalaan ang estudyanteng ikinararangal. Habang pababa sa hagdanan ng Unibersidad ay mapapansing nangingilid ang luha ng kalungkutan sa mga mata ng alagad ng simbahan. Nahihinuha niya kasi ang malagim na kasasapitan ng kaniyang mag-aaral na sinasaluduhan. Sa kaibuturan ng puso, humahanga siya sa mga Heswitang naging gabay ni Isagani upang maging larawan ng tunay na karangalan at kagitingan.

Hindi alam ng Dominiko na taliwas sa kaniyang sapantaha, galit na galit ang mga Heswitang pari sa sinabi at ginawa ng binata bilang isang rebeldeng naninindigan alang-alang sa ikasusulong ng kabataang kaniyang kinakatawan. Itinatwa ng mga liberal daw na kura na galing sa kanila ang lahat-lahat na natutuhan ng pinakamapanghamong kabataan.

May katotohanan ang mga Heswita. Hindi nga sila ang gumabay kay Isagani upang manindigan sa katotohanan. Likas na handog ito sa binata ng Diyos ng Katarungnang naroroon sa Kalangitan!

Luz Athena M. Bellotindos

Geovanni T. Leaño

Ana Lenora G. Alvarez

Adrian Dante M. Sale

Aeschylus Rei S. Enriquez

IV – St. IGNATIUS

No comments: