Tuesday, September 11, 2007

Mga Paskil

KABANATA 26
“MGA PASKEL”
Maagang bumangon kinabukasan si Basilio. Plano niyang pumunta sa ospital. Nakasulat sa isip niya ang gagawin. Una: bibisitahin niya ang mga pasyente. Ikalawa: pupuntahan niya ang Unibersidad upang usisain kung wala na bang problema sa natapos na licenciatura. At ikatlo: babayaran niya si Macaraig sa anumang pinaluwal na halaga bilang paglakad sa inaasam-asam na diploma.
Sa kaiisip sa mga pinaplano, hindi niya napansin man lamang ang malaking grupo ng mga estudyante tila pauwi na mula sa unibersidad. Hindi niya naino ang lungkot at pangambang makikita sa maaamong mukha nila. Nagising lamang sa katotohanan ang binata nang parang kanyong pagtatanungin siya tungkol sa himagsikan ng mga kaibigan nang dumating siya sa tarangkahan ng pagamutan.
“Pag. . .Pag. . .hi. . .himagsik?” namimilog ang mga matang ulit ni Basilio.
“ Aba , oo! Bakit, ngayon mo lang ba nalaman ang tungkol sa himagsikan?”
“Ma. . .Marami bang nadamay?”
“ Aba , marami. Maraming estudyante ang pinaghuhuli.”
Biglang naalala ni Basilio ang mga plano ni Simoun. Nangalisag ang kanyang mga balahibo.
Minabuti ni Basilio na itikom ang bibig. Iniisip niyang baka madawit pa kung may mga bagay na usisain siya. Nagdahilan na lang ang binatang kailangan dumalaw siya sa mga pasyente niya.
Pumapasok pa lamang sa gusali ng pagamutan ay nakasalubong na niya ang dalawang propesor sa medisina.
“Nasa hapunan ka ba kagabi, Basilio?”
Sapagkat paos ang tinig ng propesor, inakala ni Basilio na ang kagabing binanggit ay kamakalawa ng gabing kung kailan nakipagtagpo siya kay Simoun. Sa kalituhan ng binata ay paganito ang naisagot niya:
“Dumadaing po si Kapitan Tiago, Doktor, kaya di ko maiwan-iwan. Ipinagpatuloy ko rin po ang pagbabasa ng mga. . .”
“Mabuti naman Basilio at hindi ka dumalo. Pero, myembro ka nga ba ng Akademya?”
“Regular po akong nagbibigay ng butaw.”
“Ipinapayo kong tumiwalag ka na sa samahan ninyo. Punitin mo iho ang lahat ng dokumentong hawak-hawak mo. Tiyak na mapapahamak ka kung magiging parang pagong ka sa galaw at desisyon mo.”
“May kinalaman po ba si Señor Simoun?”
“Bakit masasangkot ang pangalan niya? Nasugatan siya sa isang misteryosong kaaway. Nagpapagaling siya ngayon sa kanyang bahay. May nakipagpulong sa aking kilala raw ng lahat ang nagpasimuno sa mga gulo.”
Nawala ang kaba sa dibdib ni Basilio. Kung hindi nga naman napasama si Simoun ay malayong isigaw siya nito.
“Ang mga tulisan po ba ang pinakautak sa pag-aalsa?”
“Walang binabanggit na tulisan. Mga estudyante raw ang nagplano ng himagsikan.”
“Bakit po si. . .sinisisi ang mga estudyante sa Pamantasan?”
“Hindi mo nabalitaan? Nakakuha raw ng mga paskel ang mga gwardiya sibil sa mismong palarindingan ng Pamantasan.”
“Ano ang kinalaman ng mga kabataan?”
“Ano ang kinalaman? Lintik na sino pa nga naman daw ang gagawa ng mga paskel kundi ang mga rebolusyonaryong estudyante na kasabi sa inyong Akademya!”
Siyang pagpasok ng isa pang propesor. Hindi mukhang manggagamot tulad ng una. Higit na kahawig nito ang isang sakristan. May bulung-bulungang tinanggap ito bilang propesor sa medisina sapagkat malakas ang kapit sa Bise Rektor. Hindi na kinakailangan ang diploma, sapat na raw ang katapatan at husay nito sa paniniktik bilang pasaporte upang makapaglingkod sa unibersidad.
“Kumusta ka na propesor at ikaw, Señor Basilio. Mukhang may mahalagang pinag-uusapan kayo kaya laging nagbubulungan.”
Sa halip na sagutin ang tiktik ay nagparinig ang propesor matapos kindatan ang kausap na estudyante, “May sapantaha akong pahina na ang umampon sa inyo, Doktor. Heto’t dinadalaw na siya ng mga uwak at bwitre.”
Nagkibit lang ng balikat si Basilio sa parunggitan ng dalawa. Upang huwag lumala ang pasaringan, napilitang pumasok ang binata sa pahingahan ng mga nakakatandang propesor. Napag-alaman niya sa mga usap-usapan na ang mga paskel ay natagpuan daw sa mga pintuan ng Unibersidad. Parang leon daw sa galit na pinabakbak ng Bise Rektor ang mga paskel at ipinadala lahat sa Kapitan Heneral. Narinig ni Basilio na ang mga paskel daw ay punung-puno ng pananakot, tulad ng pagbitay sa mga makapangyarihan, pagsalakay sa mga gusaling pansimbahan at pagdanak ng dugo sa kapaligiran.
Mula sa tanggapan ng Kapitan Heneral, matuling kumalat ang opinion ng pamahalaan. Ibinalita kaagad ito ng isang kapista sa isang utusan ng Unibersidad na nagbulong naman sa isang tagabantay.
Malaki ang pangamba ng mga estudyante na kalakip ng utos sa pagtatakda ng oras na makapamamalagi sa lansangan, ang maraming pagpapatalsik ng mga mag-aaral sa unibersidad at pagpapakulong sa maraming walang kamuwang-muwang na myembro ng Akademyang pinag-iinitan.
Muling nagbalik sa isipan ni Basilio ang mga sinabi ni Señor Simoun na “Sa oras na balakin nilang alisin ka sa kanilang landas, tiyak na hindi ka matatapos ng iyong pag-aaral.”
“A. . .Alam kaya ni Señor Simoun ang mga nagaganap ngayon? Kung siya ang may kagagawan nito, humanda siya at maninindigan ako!” bulong ng binatang pinamumulahan ang mga mata sa galit.
Sandaling nagpahinga si Basilio. Nang mapansing wala nang kinikimkim na sama ng loob, lumabas siya ng pagamutan upang pumunta sa unibersidad. Balak niyang ipagtanong kung inaprubahan na ang sertipiko ng pagatatapos niya bilang isang lisensiyadong doktor. Nagdaan siya sa Legaspi. Tinalunton niya ang Beaterio. Nang sapitin niya ang Solano ay napabuntunghininga ang binata sapagkat wala doon ang dating masisigla at maiingay na estudyanteng kanyang kaeskwela. Sa halip, natanawan niya ang lipon ng maraming gwardiya sibil na nakatindig.
Takang-taka si Basilio nang maya-maya pa ay maglabasan ang nakayukong mga mag-aaral. Tila takot na takot sila sa kumpol ng mga gwardiya sibil na ikutan nang ikutan na animo may mga kriminal na hinahanap sa lansangan. Karamihan sa mga estudyante ay hindi na nagsigala pa sa pangambang madampot sa halip na marating nila ang kani-kanilang tahanan o tirahang inuupahan. Mula sa kalayuan, natanawan ni Basilio si Sandoval na papalabas sa tarangkahan. Nagalit si Basilio nang hindi man lang siya nilapitan ng kaeskwela matapos itong kawayan.
Naibulong ni Basilio sa sarili na maaring nangangamba ang kaibigang mapasabit sa isyu ng kapangahasan.
Kakaiba si Tadeo. Nang masalubong siya ni Basilio at tanungin kung may maibabalita ay pangisi itong magsalita.
“Matutuwa ka Basilio! Wala na naman tayong klase! Pahinga na naman tayo! Magaling, di ba? Bakasyon na! Bakasyon na!
“Pe. . .Pero ano ba talaga ang nangyari na dapat ikabahala?”
“Dapat ikabahala? Wala naman. Ipadadala lang daw tayong lahat sa kulungan!”
“Ikinatutuwa mo ba yan?”
“Aba, e kung walang klase, di ba dapat na magsaya?”
Natanawan din ni Basilio si Juanito Pelaez. Napansin niyang maputla ang mukha nito. Kapuna-punang lalong nagkakandakuba ang kaeskwela habang susunod-sunod ang isang gwardiya sibil. Naalala ni Basilio na isa sa pinakaaktibong myembro ng Akademya si Juanito. Natural lang na lalong malapitan ang gawing pagmamanman ditto ng maykapangyarihan.
“Ba. . .Bakit nagmamadali ka Pelaez?”
“Wa. . .Wala Basilio. Huwag mo akong usisain. Wala akong nalalamang anuman. Laban ako sa lahat ng mga pinuno ng Akademya. I. . .Ikaw ang makapagpapatunay niyan! Kilalang-kilala mo ako. Wala kang sasabihin Basilio. Wala kang masasabing negatibo sa katauhan ko.”
Sa kalilingon ni Pelaez sa gwardiya sibil, nabasa ni Basilio sa mga mata ng kaibigan na kailangang-kailangan nito ay sang-ayunan.
“Ha? A, e, e, o. . .oo. . .oo. . .Wa. . .Wala ngang kinalaman. Wa. . .wala kang nalalaman!”
“Hindi ako nakisalamuha at umayon sa mga myembro ng Akademya. I. . .Ikaw ang magpapatunay niyan. Ang tanging partisipasyon ko ay magpayo sa mga myembro. . .Oo, magpayo lang. Alam mo yan, di ba?”
“Oo, oo matigil ka na lang. Pero ano pa ba ang maibabalita mo tungkol sa Akademya, ha, Pelaez?”
Mabilis na tumalilis si Pelaez na nangangatog ang mga tuhod. Sapagkat wala nang Makita pang kaibigan sa daan, nagdesisyon itong pagsadyain ang opisina ng Kalihim ng Unibersidad. Sapagkat sarado ang pintuan ng tanggapan ay napilitan siyang bumaba na lamang. Sa hagdanan ay nakasalubong niya ang humahangos na mga kura, matatandang abogado at doctor, mga opisyal ng mga military at mga pribadong indibidwal na mahihinuhang handang mag-alay ng serbisyo alang-alang sa Inang Espanyang sinasaluduhan at pinaparangalan.
Nabuhayan ng loob si Basilio nang mapagsino ang isang binatang nagtatalumpati sa harap ng ilang kamag-aral. Si Isagani iyon na buong tapang na nagpapaliwanag sa kanyang paninindigan at sa mga prinsipyo ng Akademyang ipinakikipaglaban.
“Hindi tayo dapat magkawatak-watak mga kasama! Walang sinumang dapat humadlang sa ating layunin. Hindi tayo dapat itulad sa mga langay-langayang kaagad lumilipad na palayo makatanaw lamang ng mga mananakot na ibon sa kaitaasan. Tandaan ninyong hindi lamang ngayon may napipilit na kabataang nagtatanggol sa kalayaan. Dapat nating alalahanin na noon pa ay may mga nabuwal na sa gitna ng dilim; may mga namatay na noon pa man maitaas lamang sa tagdan ang watawat ng kabayanihan. Dapat nating balikatin ang malaking layunin ng kalayaan, kalayaang makatindig sa ating sariling pagsisikap tungo sa isang libo at isang kadakilaan.”
“Pero sino ba talaga ang sumulat at nagdikit ng mga paskel?” galit na sigaw ng isa.
“Hindi tayo dapat mag-imbestiga niyan. Ipaubaya ninyo sa mga maykapangyarihan.”
“Sapagkat ang mga maykapangyarihan ang mag-iimbestiga, huwag na huwag kaagad tayong papanig sa kanila. Suriin nating ang mga nakasaad sa mga paskel. Kung sang-ayon sa mga mithiin natin, idagdag natin ang ating lagda. Kahit mapanganib ay doon tayo pumaroon sapagkat tiyak na naroroon din ang karangalan. Kung hindi naman umaayon sa ating mga layunin ang nilalaman nito, asahan ninyong tututol ang mga budhi ninyo. Tiyak na titindig din kayo upang ipagsanggalang ang inyong mga sarili laban sa mga paratang.”
Kahit naantig ang damdamin ni Basilio sa mga ipinahahayag ng bibung-bibong mananalumpati, nagkunwari siyang di pansin ang kaibigan. Sa halip, tumalikod ang batang-batang manggagamot at nagpasyang pagsadyain si Macaraig upang hiraman ng pera.
Tinungo ni Basilio ang lugar na tinutuluyan ng kaibigan. Napakunot noo ang binata nang mapansing tinatanaw siya ng mga kapitbahay na pawang nasa kani-kanilang tarangkahan. Hindi niya binigyang halaga ang kanilang pagbubulungan habang tila may inginungusong hindi naman niya mawawaan. Palagay ang loob na pumanhik ang binata sa hagdan ngunit muntik na siyang makabitiw sa balustradong kinatatangnan nang magulat siya sa pagbaba ng isang pulutong ng mga gwardiya sibil na may ripleng tangan-tangan.
“Sino ka at bakit ka pumanhik dito?” tanong ng pinunong sundalo.
“Gusto ko po sanang makausap si Macaraig.”
“Maghintay ka sa ibaba, Indio !” patulak na sigaw ng sundalo.
Habang titinga-tingala sa hagdan si Basilio, siya namang pagbaba ni Macaraig na binabantayan ng ilang gwardiya sibil na may magaspang na ugali at katauhan.
Nang magkaharap ang magkaibigan ay gulat na nagtanong si Macaraig.
“Ba. . .Bakit ka naparito Basilio?”
“Gusto sana kitang makausap.”
“Dapat kang batiin, Basilio. Umiwas kang makihalubilo sa mga kaibigan mo sa Akademya sa oras ng kapayapaan. Pero ngayon ay naririto ka sa mismong oras ng kaguluhan.”
Itinanong ng pinakapuno ng mga sibil ang buong pangalan ni Basilio. Sinuri-suri nito ang kwadernong hawak ng binatang tila walang pinangingimian o kinatatakutan.
“Isa ka pa lang estudyante ng medisina na nakatira sa Kalye Anloaque.”
Tumangu-tango lamang ang binatang napakagat-labi.
“Salamat naman at hindi mo na kami pinahirapang hanapin ka. Dinarakip ka rin namin.”
“Ano ang sabi n’yo? Dadakpin din ninyo ako?”
“Huwag ka nang umalma pa, Basilio. Sa karwahe ko naman tayo sasakay. Tena at sa itaas na tayo mag-usap.”
Upang ipadamang sibilisido sa panghuhuli ng mga gwardiya sibil, inanyayahan ni Macaraig na sumakay din sa karwahe ang tinyente at sarhento.
“Sa tanggapan ng Kapitan Henaral!” utos ni Macaraig sa kanyang kutsero.
Ibinulong ni Basilio kay Macaraig kung bakit dumalaw siya sa kaibigan. Hindi na hinintay ni Macaraig na tapusin nito ang sinasabi. Mahigpit na kinamayan kaagad nito si Basilio kasabay ang pagsabi, “Binabati kita panyero, tiyak na magtatapos tayo. Oo nga pala Tinyente, Sarhento, iniimbita naming kayo sa aming pagtatapos. Huwag na huwag kayong mawawala kapag tinanggap na naming ang aming diploma. Marami ang matutuwa. Marami ang tiyak na makikipagdiwang sa aming tagumpay!”
MEMBERS:
MARK ANTHONY TINGCANG
CATHERINE CALMA
RHEA KATRINA SALOMON
AUDREY SOLIVEN

No comments: