Tuesday, September 11, 2007

Kadayaan

Kabanata 18
“KADAYAAN”

Ang pulutong ay buong pakundangan sinalubong ni Mr. Leeds, isang Yangking mahusay mangastila dahil sa matagal na paninirahan sa Timog America. Siya’y pumayag na siyasatin ng mga dalaw ang lahat bago gawin ang pagtatanghal.
Ang loob ng bulwagan ay nababalot ng pilos na itim at natatanlawan ng mga ilawang de aguardiente. Ang loob na iyo’y nahahati ng isang halang na may takip na tersiyopelong itim. Ang isang hati’y puno ng mga nanonood at ang ikalawa’y kinalalagyan ng isang mesang may takip na damit na itim na puno ng bungo at iba pang larawang mahiwaga. Ang buong tanawin ay nakapangingilabot sa masayang pulutong.
Hiniling ni Ben Zayb na pahintulutan siya ni Mr. Leeds na magsiyasat sa mesa. Hindi na niya hinintay ang pahintulot. Dali-daling itinaas ang damit na itim at kinapakapa ang ilalim ng mesa. Wala roon ang salaming inaasahan niyang matagpuan. Tumingin-tingin sa lahat ng sulok ang mamamahayag.
“Nasaan ang mga salamin?” ang tanong ni Pari Camorra.
Nagsiyasat na mabuti si Ben Zayb. Hinupu-hipo ang mesa, itinaas ang takip nito at saka inilagay ang kamay sa noo na mandi’y may iniisip.
“May nawala po bas a inyo, Ginoo?” ang tanong ni Mr. Leeds.
“Ang mga salamin, nasaan ang mga salamin?”
“Hindi ko alam kung nasaan ang inyong salamin. Ang sa aki’y naiwan ko sa fonda. Kayo’y namumutla at masama ang anyo.”
Nang marinig ng marami ang pangungutya ng Amerikano ay pinagtawanan nila si Ben Zayb kahit na sila’y alinlangan din. Bubulong-bulong na bumalik sa kanyang upuan ang napahiyang mamamahayag.
Pumasok si Mr. Leeds sa isang pinto. Pagkaraan ng ilang sandali’y bumalik na dala ang isang kahong kahoy na may lilok ng mga ibon, hayop, bulaklak, ulo at iba pa. Ang kaha ay maitim at bukbukin. Walang katawa-tawang ipinaliwanag ni Mr. Leeds na ang kahang yao’y natagpuan niya sa libingan nasa isang liblib na silid sa piramide ni Khufu., ikaapat na liping ng mga Faraon. Ang kaha ay pinasiyasat niya sa mga nanonood. Muli na namang naghanap ng salamin si Ben Zayb.
“Amoy-bangkay!” anang isang babae at saka namaypay ng katakut-takot.
“Sing-amoy ng apat na libong taon!” ang bulalas naman ng isang manonood.
Hinanap ng tingin ni Ben Zayb ang bumigkas ng huling kataga. Nakita niya ang isang militar na nakabasa ng kasaysayan ni Napoleon. Nainggit si Ben Zayb kaya nagbitiw ng isang salitang patama kay Pari Camorra.
“Amoy-Simbahan!”
Nagpatuloy sa pagsasalita ang Amerikano.
“Ang kahang ito ay may lamang isang dakot na abo at kaputol na papirong kinatatalaan ng ilang sulat. Tingnan ninyo ang abo, nguni’t ipinamamanhik kong huwag lamang kayong hihinga nang malakas sapagka’t kapag natapon kahit kaunti ay magiging sira-sira ang ating espinghe.
Naniwala ang mga nanonod sa kabulaanang tinuran ni Mr. Leeds. Isa ma’y di nangahas na huminga nang idaan ang kaha at muling nagpaliwanag.
“Hindi ko malaman kung ano ang dapat kong gawin kaya sinayasat ko ang papiro. Doo’y may dalawang salitang di ko batid ang kahulugan. Tinangka kong bigkasin nang malakas datapwa’t babahagya ko pang nabigkas ang unang salita’y biglang dumulas ang kaha sa mga kamay ko, nahulog ito sa lupa, at di ko magalaw. Gayon na lamang ang aking sindak nang buksan ko ang kaha at matagpuan ko sa loob ang isang ulo ng taong nakatingin sa akin nang walang kakisap-kisap. Sandaling nanginig ang buo kong katawan nguni’t naisip kong baka iyo’y isang malikmata lamang kaya nagbalik ang kahinahunang ng aking loob. Binasa ko nang malakas ang pangalawang salita. Muling naging abo ang ulo at ang takip ng kaha ay nalapat.
Maingat na lumapit sa mesa ang Amerikano at ipinatong dito ang mahiwagang kaha.
“Ang takip, Mister!” ang di napigilang turing ni Ben Zayb. Itinaas ng kanang kamay ni Mr. Leeds ang kaha at hinawi ng kanyang kaliwa ang takip kaya naiwang nakalantad sa nanonood ang tatlong paang bakal ng mesa.
“Mga ginoo,” anang nanginginig na tinig ng Amerikano sa gitna ng katahimikang naghahari,”sa pamamagitan ng isang salita’y bubuhayin ko ang sandakot na abong iyan upang makausap ninyo ang isang nakakatalos ukol sa nakaraan, sa kasalukuyan, at sa maraming bagay na darating.”
Isang sigaw na nakapangalisag sa buhok ni Ben Zayb ang binitiwan ni Mr. Leeds.
“Deremof!” ang sabi niya.
Naggalawan ang mga tabing sa panooran, nagdilim ang mga ilawan, humaginit ang mesa at saka pagkatapos ay isang mahinang daing ang narinig mula sa loob ng kaha.
Nasindak ang lahat. Isang babae ang kumapit kay Pari Salvi.
Kusang nabuksan ang kaha. Natambad sa paningin ng mga nanonood ang isang ulong anyong bangkay na may mahaba’t makapal na buhok na itim. Dahang-dahang idinilat ng ulo ang kanyang mga mata, pinagala ang paningin sa lahat ng nanonood at saka itinitig sa nadidilat na mga mata ni Pari Salving noo’y tila nakakita ng isang multo. Nanginig ang Pari.
“Espinghe, sabihin mo sa lahat kung sino ka!” ang utos ni Mr. Leeds.
“Ako’y si Imuthis. Ipinanganak ako noong panahon ni Amasis at pinatay noong nasasakop ang Persia, nang si Cambises ay pauwing galing sa sinamang pagsalakay sa kalookan ng Lybia. Nang matapos ako sa pag-aaral ay naglakbay ako sa Gresya, Asirya at Persia. Papauwi na ako sa aking bayan nang maparaan ako sa Babilonya. Isang kakila-kilabot na lihim ang nabatid ko roon --- ang lihim ng magong si Guamata, ang di tunay na Simerdis na namamahala sa tulong isang pagdaraya. Siya’y nangambang isumbong ko kay Cambises kaya binalak ang aking ikinasawi sa tulong ng mga saserdoteng taga-Ehipto na siyang nakapangyayari noon sa aking bayan. Sila’y pikit-matang sumusunod sa utos ni Guamata, sapagka’t natatakot sila sa akin na baka ko ibunyag sa bayan ang kanilang panlilinlang. Upang maisakatuparan ang kanilang pakana ay kinasangkapan ang mga udyok ng puso ng isang batang saserdote sa Abidos na ipinalalagay ng lahat na banal.”
Sumunod ang isang kahambal-hambal na katahimikan.
Nagpatuloy ang ulo sa pagsasalaysay ng mga pailalim na pagdaraya ng mga saserdote. Kahit na ukol sa ibang pananampalataya ng ibang panahon ang isinasalaysay ng ulo, ay nakaramdam ang mga paring kaharap sapagka’t ang mga pagdarayang yao’y kahawig ng sa kasalukuyang kalagayan. Naginginig si Pari Salvi na sinusundan ang tinig ng espinghe na mandi’y nakahahalina sa kanya.
“Anong paraan ang ginawa sa iyo ng mga pari sa inyong bayan?” ang tanong ni Mr. Leeds.
Isang nakalulunos na daing na wari’y galling sa kaibuturan ng kanyang puso ang binitiwan ng espinghe. Napuno ng luha ang kanyang mga mata. Nanginig ang mga nanonood at nangalisag ang kanilang buhok. Naniwala silang hindi daya ang palabas.; na ang ulo’y ginawan nga ng kataksilan, at ang isinalaysay niyon ay sariling kabuhayan.
“Ay!” ang buong lungkot na wika, “ako’y umiibig sa isang dalagang anak ng pari. Siya’y kasinglinis ng liwanag at kapara ng bagong namumukadkad na loto. May hangad sa kanya ang batang pari sa Abidos. Nagmunakala ito ng isang pagkakagulo at sinangkalan ang aking pangalan sa tulong ng ilang papiro kong nakuha sa aking irog sa pamamagitan ng lalang. Nangyari ang pagkakagulo nang si Cambises ay papauwing nagngingitngit dahil sa nabigong pagsalakay. Ako’y isinakdal na isang taksil at ipiniit. Nakatakas ako nguni’t napatay rin ng mga umuusig sa lawa ng Moeris. Mula sa kabilang buhay ay nakita ko ang ginawang pag-usig at paghibo ng batang pari sa Abidos sa birheng nagkanlong sa simbahan ni Isis sa pulo ng Philos. Ah, saserdote, saserdote sa Abidos! Nabuhay akong muli upang ihayag ang gayong kataksilan. Pagkaraan ng mahabang panahong pananahimik ay tinatawag kitang mamamatay, mapagparatang at lapastangan sa Diyos!”
Isang halakhak na mandi’y mula sa libingan ang isinunod ng ulo.
“Huwag! Maawa!” ang paimpit na tugon ni Pari Salving iniunat ang dalawang kamay na tila mabubuwal.
“Ano ang nangyayari sa inyo, Pari Salvi? Masama pa ba ang inyong katawan?” ang tanong ni Pari Irene.
“Ang init sa salas…ang amoy…”
“Mamamatay! Mapagparatang! Lapastangan sa Diyos! Isinusuplong kita!” ang ulit ng ulo muling humalakhak.
“Maawa! Buhay pa!” ang ulit ni Pari Salvi at tuluyang hinimatay.
Naghima-himatayan ang ibang babae na nag-akalang yaon ang dapat nilang gawin.
Nagkagulo sa salas. Ang paghihimatay ni Pari Salvi ay ibinintang ni Pari Irene sa sopas na pugad ng langay-langayan kinain nito.
“Wala namang nakain!” ang sagot ni Don Custodi. “Nagayuma siya ng ulo…”
Parang patay si Pari Salvi. Nang makita ng mga babaing walang sumaklolo sa kanila ay kusang nagbalik-diwa na sila. Samantala’y naging abong muli ang ulo. Inilagay ni Mr. Leeds ang damit na itim sa ibabaw ng mesa at saka yumuko sa mga nakinig sa kanya.
Nang lumalabas na ang mga nanood ay sinabi ni Don Custodiong dapat ipagbawal ang gayong uri ng palabas.
“Lalo na kung ganyang hindi ginagamitan ng salamin.” Ang dugtong ni Ben Zayb.
Bago nilisan ni Ben Zayb ang pook na yao’y muli niyang siniyasat ang mesa nguni’t hindi niya natagpuan ang salamin.
Kinabukasa’y isang lathala ang sinulat ni Ben Zayb na tumutukoy sa mga karunungan lihim at sa espiritismo. Isang utos ng gobernador eklesiyastiko na pumipigil sa palabas ang madaling nanaog. Nguni’t si Mr., Leeds ay wala na at napasa Hongkong na taglay ang kanyang lihim.

-FERNANDEZ, GIANA MAE
-FLORES, MICHELLE JOY
-BUCAO, YVAN KRIS
-BELLO, BAN FOSTER
IV- ST. JEROME

No comments: