Tuesday, September 11, 2007

Ang Perya sa Quiapo

Kabanata - 17
Ang Perya sa Quiapo

Maganda ang gabi dahil sa buhay na buhay na kapaligiran ng plasa. Dahil sa malamig na simoy ng Enero, sinasamantala ng marami ang pagpunta sa peryahan. At habang naroon, sila ay natutuwa sa panonood ng palabas at sa pakikinig ng musika.
Napapalamutian ang buong plasa. Makikita sa mga nakahanay na tindahan ang mga kumpol ng bola, ang mga maskara, ang mga laruang lata at tren, ang mga munting kabayo, at ang marami pang iba.
Sa isang konsyerto, naghahalo ang tunog ng tila pumupugak na mga instrumento. Paaro’t parito ang mga tao. May nagtutulakan at may nagkakapatiran. Nagbubungguan ang ilan habang nakatanga sa mga nakahanay na tindahan. Kailangang mahinay lang ang takbo ng karwahe kaya konsumido ang mga kutsero na nagmamadali para maihatid kaagad ang pasahero. Naroon din ang mga fraile, ang mga military, ang mga empleyado, ang mga estudyante, ang mga Intsik, at ang mga dalagita at dalagang may kanya-kanyang tsaperon. Nagbabatian ang nagkakasalubong o hindi man kaya ay nagkikindatan. Ang mga nag-uusap ay walang mapagsidlan ng saya.
Napapalatak si Padre Camorra sa kanyang nasasaksihan. Napapahinto siya at tumititig sa mga dalagang nakakasalubong at tila babaeng naitutulak si Ben Zayb sa tindi ng pananabik na sana ay maging kura siya ng Quiapo. May kapilyuhang bubungguin niya ang mga nakaksalubong na mga dalaga. Ang katuwaan ng fraile ay nagsisimula pa lamang.
Nang matamaan ang isang naksisilaw na binibini, biglang nakurot ni Padre Camorra si Ben Zayb. Walang mapagsidlan ng tuwa ang fraile-artilyero nang masilayan ang maringal na kagandahan ni Paulita Gomez, ang nobya ni Isagani.
Namumukod-tangi ang kagandahan ni Paulita Gomez sa lahat ng mga dalagang nandoon. Marahil, lalo siyang nagiging kaakit-akit sapagkat nababalutan ng mamahaling kasuotan ang katawan, at alaga ang sarili na tulad ng isang mamahaling kristal. Ang panghalina ng dalaga ang tila nagpapasama sa loob ni Isagani. Maraming matang nakatingin sa kanila. Nasisiyahan naman ang nobya na ang pangngiti ay may bukas ng pagkasalawahan.
Lalong nakuba si Juanito nang matanaw si Paulita. Bumati ang kuba, este si Juanito, at walang anuman siyang tinugon ng dalaga. Tinawag ni Donya Victorina ang bumati. Mas gusto ng ginang si Juanito kaysa kay Isagani.
“Kay gandang dalaga!” ulit ng fraile-artilyero. “At ako ang propesor ng nobyo, ang tumulak sa akin.” At dahil ibig sundan ang dalaga, muntik nang iwanan ni Padre Camorra ang mga kasama kung hindi siya napigilan ni Ben Zayb. Napabuntunghininga na lamang ang fraile.
Nagpatuloy sa pamamasyal ang pangkat hanggang makarating sila sa isang tindahan ng mga estatwang kahoy. Makikita sa mga estatwa ang iba’t ibang laki at hugis ng magkakaibang lahi ng tao, at ang pagtatrabaho ng mga nasa kapuluan. May mga estatwang Indio, mga Kastila, mga Tsino, mga mestiso, mga fraile, mga paring Pilipino, mga gobernadorcillo, mga empleyado, mga mag-aaral, mga gwardya sibil, at mga marami pang iba. Tila mas hilig ng mga eskultor na umukit ng mga fraile na nasa sandali ng kanilang kabanalan. Pulido at buhay na buhay ang pagkakagawa na nagpapakita ng kanilang dakilang anyo at layunin. Nakapagtataka na kakaiba ang makikitang mga estatwa ng mga fraile sa Europa. Inilalarawan sila na natutulog sa ibabaw ng bariles ng alak, nagsusugal habang tumutungga ng alak.
Hindi nagustuhan ng pangkat ang mga estatwang nakahanay sa tindahan. Minaliit nila ang kakayahan ng mga Pilipino sapagkat may sarili silang pamantayan tungkol sa sining. Kinakailangan daw na magkaroon ng pitong ulo at apat na ilong ang isang estatwa o pigurin para matawag na sining. Nalungkot naman si Padre Camorra sapagkat hindi niya maintindihan kung bakit ganoon ang pamantayan. Kaya ipinagpilitan niyang humingi ng tatlumpong hita para sa isang manyika.
Halos lkasunod ng kanyang mungkahi ang pagtatalo ng grupo kung may kakayahan o wala ang mga Indio sa eskultura at kung dapat ngang linangin o hindi ang nasabing sining. Pinutol naman ni Don Custodio ang pagtatalo sa pamamagitan ng pagsasabi na may kakayahan ang mga Indio ngunit dapat lamang nilang ilaan sa paggawa ng mga santo.
Nagpatuloy ang kanilang biruan tungkol sa kung sino ang inilalarawan ng bawat pigurin o estatwa hanggang sa mapako ang usapan kay Simoun na napakakuripot daw kaya hindi nito bibilhin ang pigurin na kamukha niya.
Matapos istorbohin nang gayon na lang ang nasa tindahan, umalis ang pangkat nang walang binili kahit isa man lang. Nagpatuloy sila sa paglakad papunta sa pwesto ni Mr. Leeds, ang nagpapalabas ng pugot na ulo, ang espinghe.
Nagpatiuna si Ben Zayb na handing gamitin ang kanyang impluwensya para makapanood ng palabas na libre na hindi kasama ang madla. At muli siyang nagpaliwanag nang nakalilito tungkol sa optika, ang dahilan ng paglabas ng pugot na ulo.


Lou Marielle Tan
Krizia Abrenica
Carlo Ong
Ahmed Imlan

No comments: