Tuesday, September 11, 2007

Isang Bangkay

KABANATA XXIII
Isang Bangkay
Hindi nga nagtungo sa dulaan si Simoun. Umalis siya ng bahay sa ganap na ikapito ng gabi na balisa at malungkot. Makalawa siyang nakita ng mga utusan niya na bumalik at may kasamang kung sinu-sinong tao. Nang ikawalo ng gabi, habang tinutugtog ang mga kampana ng simbahan, natamaan siya ni Makaraig sa pali-paligid ng kalye Ospital, malapit sa kumbento ng Santa Clara. Nang ikasiyam ng gabi, nakita siyang muli ni Camaroncocido sa paligid ng dulaan. May kausap siya na tila isang mag-aaral. Pumasok siya at muling lumabas saka nawala sa kakapalan ng mga punungkahoy.
�E, ano ba sa akin,� ang ulit ni Camaroncocido. �Ano ang mapapala ko kung balaan ko ang mga tao?�
Ayon kay Makaraig, hindi rin nagtungo sa dulaan si Basilio. Mula nang manggaling sa San Diego ang kaawa-awang mag-aaral upang tubusin ang katipang si Juli sa pagpapaalila ay muling iniukol ang panahon sa kanyang mga aklat. Namalagi siya sa ospital. Inaalagaan niya si Kapitan Tiyago at sinisikap na malunasan ang kanyang karamdaman.
Naging masungit at laging bugnutin ang may sakit. Kapag sinisikap na bawasan ni Basilio ang gamit ng opium, nakararamdam siya ng panghihina ng katawan. Sinusumbatan, sinasaktan, at minumura niya si Basilio. Nagtitiis naman si Basilio, dahil sa alam niyang para iyon sa ikabubuti ng pinagkakautangan niya nang malaki. At kaya lamang siya pumapayag kapag talagang hindi na siya makaiwas. Kapag napayapa ng bisyo ang masidhing pangangailangan ni Kapitan Tiyago ay lalamig ang ulo nito, magiging magiliw, tatawaging anak si Basiolio, pahikbi-hikbing gugunitain ang paglilingkod ng binata, ang maayos na pamamahala ng binata sa kanyang mga ari-arian. At pagkatapos, sasabihing si Basilio ang gagawin niyang tagapagmana. Malungkot na nangingiti si Basilio at maiisip na sa buhay na ito, higit na ginagantimpalaan ang pagpapaunlak sa masamang hilig kaysa sa pagpapatupad sa tungkulin. Hindi miminsang naisip tuloy niya na pabayaan nang lumubha ang karamdaman ng tagapagtangkilik at akayin sa kanyang libingan sa daang mabulaklak at magagandang pangarap, kaysa pahabain ang buhay nito sa malabis na paghihirap.
�Napakahangal ko,� ang madalas niyang mawika sa sarili. �Maaaring nagkakamali siya, ngunit siya ang nagbabayad��
Mapapailing siya. Pagkatapos maiisip si Juli, ang magandang kinabukasang naghihintay sa kanya. Ibig niyang mabuhay nang walang dungis ang kanyang budhi. Ipinagpatuloy niya ang pag-aalaga at pagbabantay nang mabuti.
Gayunman, parang lumulubha araw-araw ang maysakit sa kabila ng paminsan-minsang pagbuti ng kanyang kalagayan. Ipinasiya ni Basilio na bawasang unti-unti ang gamit ng opyum o kaya�y huwag pahintulutang humithit si Kapitan Tiyago nang higit kaysa rati. Ngunit pagbalik niya mula sa pagbibisita sa ospital o mga pasyente ang maysakit ay mapapansin niyang nakakatulog nang mabigat gawa ng opyum, naglalaway, at namumutlang parang patay na. Hindi matukoy ng binata kung saan nanggagaling ang opyum. Ang mga tanging nagsisidalaw sa bahay ay si Simoun at si Padre Irene. Bihira lamang dumalaw ang mag-aalahas at ang isa�y walang lubay sa pagbibilin na higpitan at ipagpatuloy ang pag-aalaga nang mabuti at huwag pansinin ang pagkamuhi ng maysakit. Ang dapat niyang isaisip ay mailigtas ang buhay ng maysakit.
�Gawin mo ang iyong tungkulin, binata,� ang laging sabi ni Padre Irene. �Gawin mo ang iyong tungkulin.�
At magsesermon si Padre Irene tungkol sa paksang ito sa paraang kapani-paniwala at may kasiglahan. Kaya�t parang nakagiliwan siya ni Basilio. Pinangakuan pa siya ni Padre Irene ng isang mabuting mapapasukan sa isang mayamang lalawigan at maaaring mahirang pang isang propesor. Hindi napadala sa mga balighong pangarap si Basilio. Nagkunwari siyang naniniwala sa sinasabi ng prayle at nagpapatuloy sa ipinag-uutos ng kanyang budhi.
Nang gabing iyon, habang itinatanghal ang Les Cloches de Corneville (kampana ng Corneville), nag-aaral si Basilio sa isang matandang mesa sa tulong ng liwanag langis na may malabong pantalyong salamin. Nagbibigay ito ng malamlam na liwanag sa malungkot na mukha ng binata. Isang lumang kalansay, ilang buto ng tao, ilang aklat na maayos na nakasalansan ang nasa ibabaw ng mesa. At mayroon pang isang palanggana at isang espongha. Ang amoy ng opyum mula sa karatig na silid ang gumugupo sa paligid at nakapagpapaantok sa binata. Ngunit pinaglalabanan ito ng binata. Binabasa niya paminsan-minsan ang kanyang noo at kanyang mga mata upang huwag makatulog hanggang sa matapos niya ang aklat. Ang binabasa niyang aklat ay Medicina Legal y Toxicologia ni Dr. Mata. Hiniram niya lamang ito at kailangang maisauli agad. Mapilit ang propesor ni Basilio na gamitin ang aklat na ito. Wala naman sapat na salapi ang binata upang makabili ng sariling aklat. Malaking halaga ang hinihingi ng mga nagbibili ng aklat. Kinakailangan nilang suhulan ang maraming kawani upang maipasok ang aklat na ito na ipinagbabawal ng mga tagasuri ng Maynila. Buhos na buhos sa pag-aaral si Basilio kaya�t hindi man lamang mabigyang-pansin ang mga namumuting aklat ukol sa Pilipinas na ipinapadala sa kanya mula sa ibang bansa. Ngunit walang nakakaalam kung saan talaga nanggagaling ang mga mumunting aklat na ito. Ang ilan ay nakapukaw sa damdamin ng marami dahil sa masama at kalait-lait ng pagpapalagay sa mamamayan ng bansa. Walang kapana-panahon si Basilio na buksan ang mga ito. Marahil nakapipigil din sa kanya ang pag-aalala na hindi niya matanggap ang paghamak at paghamon nang hindi makasasagot o makapagtatanggol sa sarili man lamang. Pinahintulutan ng mga nagsusuri ang mga lathalain ng paghamak sa mga mamamayan, ngunit ipinagbabawal ang pagsagot sa mga ito.
Sa gitna ng katahimikang naghahari sa bahay na nabubulahaw lamang ng paminsan-minsang paghihilik mula sa karatig na silid ay nakarinig ng marahang hagdanan, mga yabag na papalapit sa kinaroroonan niya. Itinaas ng binata ang kanyang ulo. Nabuksan ang pinto. Buong pagkamangha niyang nakita ang mabagsik na anyo ng mag-aalahas na si Simoun. Mula nang makatagpo sila sa San Diego, hindi na nakipagkita si Simoun kay Basilio; ni kay Kapitan Tiyago.
�Kumusta ang maysakit?� ang tanong ni Simoun. Pagkatapos, hinagod ng tingin ang silid at napansin ang mga aklat na hindi pa nabubuksan.
�Bahagya na ang tibok ng puso. Mahinang-mahina ang pulso. Nawalan na siya ng gana sa pagkain,� ang bulong ni Basilio. Malungkot ang kanyang ngiti. �Pinagpapawisan siyang mabuti sa madaling araw��
Nang makitang nakatuon ang mga mata ni Simoun sa mga mumunting aklat at sa pangambag baka maungkat ang pinag-usapan at pagtatalo nila sa gubat ay nagpatuloy si Basilio:
�Talamak na ang lason sa buong katawan. Bukas o makalawa ay maaaring mamatay na parang tinamaan ng lintik. Isang munting dahilan, isang walang kabuluhang bagay, isang sulak ng kalooban ay maaaring makamatay sa kanya.�
�Katulad ng Pilipinas!� ang malungkot na puna ni Simoun.
Hindi napigilan ni Basilio ang pagkabigla. Ngunit sinikap niya na huwag nang maungkat ang pagtatalo tungkol sa mga bagay na iyon kaya nagpatuloy nang parang walang naririnig:
�Ang lalo pang nakapanghihina sa kanya ay ang mga bangungot at kanyang mga takot.�
�Katulad ng pamahalaan!� ang sabi ni Simoun.
�May ilang gabi na siyang nagigising. Ang akala niya�y nabulag na siya. Nagpalahaw, at tinangisan niya ang kanyang kapalaran. Pinaratangan niya akong dinukot ang kanyang mga mata. Nang ako�y pumasok na may dalang ilaw, napagkamalan niya akong si Padre Irene at tinawag akong kanyang tagapagligtas.�
�Wala ngang iniwan sa pamahalaan!�
�Kagabi,� ang patuloy ni Basilio na nagbibingi-bingihan, �bumangon siya at hinihingi ang kanyang sasabunging manok na may tatlong taon nang namatay. Ang ibinigay ko ay isang imahen. Gayon na lang ang pagpuri niya sa akin at pinangakuan na bigyan ng libu-libong piso.�
Nang mga sandaling iyon, inihudyat ng orasan ang ikasampu at kalahati ng gabi.
Nangatal si Simoun at inigil ang pagsasalita ng binata.
�Basilio,� ang bulong niya, �makinig ka sanang mabuti. Mahalaga ang bawat sandal. Nakita kong hindi mo binubuksan ang mga aklat na ipinapadala ko sa iyo. Wala kang malasakit sa iyong bayan.�
Ibig tumutol ng binata.
�Wala nang kabuluhan,� ang tuyot na wika ni Simoun. �Sa loob ng isang oras, magsisimula na ang himagsikan sa isang hudyat ko. Bukas ay wala nang pag-aaral, wala nang unibersidad, walang makikita kundi labanan at payatan.Inihanda ko ang lahat at natitiyak ko ang aking tagumpay. Kapag kami�y nagtagumpay, ang lahat nang hindi tumulong sa amin bagaman may kayang dumamay ay itnuturing naming kaaway. Basilio, naparito ako upang ihandog sa iyo ang dalawang bagay: ang iyong kamatayan o ang iyong hinaharap!�
�Ang aking kamatayan o ang aking hinaharap?� ang nagugulumihanang ulit ng binata.
�Sa panig ng pamahalaan o sa amin,� ang patuloy ni Simoun. �Sa piling ng mga maniniil o sa piling ng iyong bayan. Magpasiya ka. Wala nang panahon. Naparito ako upang iligtas ka dahil sa mga alaalang bumibigkis sa atin.�
�Sa panig ng mga maniniil o ng aking bayan,� ang ulit ni Basilio sa marahang tinig.
Litung-lito ang binata. Nakatingin sa mag-aalahas at ang mga mata�y kakitaan ng takot. Naramdaman niyang nanlalamig ang mga paa�t mga kamay niya. Isang libo�t isang masalimuot ng isipin ang gumuhit sa isip niya. Nakikita niyang umaagos ang dugo sa mga lansangan. Naririnig niya ang mga putukan. Nakikita niya ang sarili kasama ng mga patay at sugatan. At palibhasa�y udyok ng kanyang hilig, nakikita niya ang sarili na nakasuot ng damit na panggagamot ng pumuputol ng mga hita at nag-aalis ng mga bala.
�Nasa kamay ko ang kalooban ng pamahalaan,� ang patuloy ni Simoun. �Napagpasiyahan kong gugulin ang kakaunti niyang lakas at salapi sa mga walang kabuluhang ekspedisyon. Pinapaniwala ko siya sa kapakinabangang matatamo. Ngayon, nasa dulaan ang mga pinuno ng naglilibang at ang iniisip ay isang gabi na aliw. Ngunit wala ni isa man sa kanila na mahihimlay pa ang ulo sa unan. May sarili akong hukbo at mga taong pinamamahalaan. Pinapaniwala ko ang iba na ibig ng heneral ang himagsikan at ito�y pakana ng mga prayle. Nabili ko ang iba sa pamamagitan ng mga pangako ng mapapasukan at salapi. Ang lalong marami ay nagsikilos upang makapaghiganti, sapagka�t sila�y inapi. Walang nalalabi sa kanila kundi mamatay o pumatay. Nasa ibaba si Kabesang Tales at sinamahan ako rito. Inuulit ko sa iyo. Sasama ka ba sa amin o pipiliin mo pang mapahamak sa kamay ng aking mga kabig? Sa mga sandaling tulad nito, ang di pagkampi kanino man ay paglalagay ng mga sarili sa panganib ng dalawang magkalabang lakas.�
Nahaplos ni Basilio nang ilang ulit ang kanyang noo na parang ibig nitong magising mula sa isang panaginip. Nanlamig ang kanyang noo.
�Magpasiya ka,� ang ulit ni Simoun.
�At ano� ang kailangan kong gawin?� ang tanong ng binata sa basag at nanghihinang tinig.
�Madali,� ang sabi ni Simoun na nagliwanag ang pag-asa sa mukha. �Sapagkat ako ang namumuno sa buong kilusan, hindi ko mahaharap ang iisang labanan. Kailangan ako sa lahat. Pamumunuan mo ang isang pangkat. At habang nakatuon ang kaguluhan sa iba�t ibang pook ng siyudad, buksan mo nang sapilitan ang pinto ng kumbento ng Santa Clara, at kunin mo ang isang tao na maliban sa iyo, sa akin, at kay Kapitan Tiyago ay walang nakakilala. Hindi malalagay sa panganib ang buhay mo.�
�Si Maria Clara!� ang bulalas ni Basilio.
�Oo, si Maria Clara,� ang ulit ni Simoun, at sa unang pagkakataon ay naging malumanay at malungkot ang tinig. �Ibig ko siyang iligtas. Inibig kong mabuhay upang mailigtas siya. Bumalik ako� ninasa ko ang isang himagsikan, sapagkat tanging isang himagsikan ang makapagbubukas sa akin ng pinto ng mga kumbento.�
�Ay!� ang bunting-hininga ni Basilio na pinagdaop ang palad. �Nahuli na kayo.�
�At bakit?� ang napakunot na tanong ni Simoun.
�Patay na si Maria Clara.�
Napatindig si Simoun at dinaluhong ang binata.
�Patay na?� ang tanong niya sa nakasisindak na tinig.
�Kaninang mag-iikaanim ng hapon. Ngayon ay maaaring� �
�Kasinungalingan!� ang sigaw ni Simoun na namumutla at parang pinanghihinaan ng loob.� Hindi maaaring magkatotoo iyan! Buhay si Maria Clara. Kailangang mabuhay siya. Naduduwag ka lang, kaya mo sinasabi iyan. Hindi siya patay at ngayong gabi, ililigtas ko siya bukas, ikaw ang mamamatay.
Nagkibit ng balikat si Basilio.
�May ilang araw na siyang may sakit. At pumupunta ako sa kumbento para makibalita. Heto ang liham ni Padre Salvi na dala ni Padre Irene. Magdamag na umiiyak si Kapitan Tiyago. Hinahagkan niya ang larawan ng anak at humihingi ng tawad ditto. Dahil ditto lumabis ang paghitit niya ng opyum. Kaninang hapon, tinugtog ang agunyas para sa kanya.�
�A!� ang bulalas ni Simoun na hawak-hawak ang ulo at nananatiling di tumitinag.
�Patay!� ang mahinang bulong na wari�y isang anino ang nagsasalita. �Patay na! Namatay ng hindi ko man lang nakita. Namatay nang hindi nalalamang nabubuhay ako para sa kanya. Namatay nang nagdurusa��
Sapagkat nararamdaman niya ang isang kahindik-hindik na unos, nagngangalit na kulog at buhawi kahit wala ni isang patak ng ulan, ang pag-iyak nang walang salita, ni luha na parang sasabog sa kanyang dibdib, at nagtatangkang umapaw, na wari�y buga ng bulking malaong natimpi, mabilis na nilisan ni Simoun ang silid. Narinig ni Basilio ang pagragasa nitong pagbaba, ang mabibigat niyang hakbang, ang isang impit na iyak na wari�y nagbababala ng nalalapit na kamatayan. Matindi at puspos ang pagdadalamhati. Kaya�t napatayo ang binata sa kanyang kinauupuan, namumutla, at nanginginig. Ngunit narinig niyang palayo na ang mga yabag at ang pinto ng tarangkahan ay nasarhan ng malakas. �Kaawa-awang tao,� ang bulong ni Basilio. Namuo ang luha sa kanyang mga mata.
Nakalimutan nito ang pag-aaral. Malayo ang tingin. Iniisip niya ang kapalaran ng dalawang taong iyon. Ang isa ay binatang mayaman, may pinag-aralan, malaya, nakapagpapasiya sa sariling kabuhayan, at may magandang kinabukasan. Ang dalaga ay kasingganda ng isang pangarap, dalisay, lipos ng pananalig at walang kamalayan sa lakad ng kamunduhan. Pinalaki siya sa gitna ng pagmamahal, sa mga pangarap, at pag-asa. Ang lalaki�y itinataboy ng sawing kapalaran na maglagalag sa buong daigdig. Natangay siya ng ipu-ipong dugo at luha. Naghasik siya ng kasamaan sa halip na kabutihan. Pinasigla niya ang masasamang bisyo. Habang ang babae ay naglaho sa mahiwagang klaustro na kanyang pinasukan sa paghanap ng kapayapaan. Ngunit mga pagtiis ang natagpuan niya roon. Malinis at walang bahid dungis nang siya�y pumasok. At namatay siya roon tulad ng isang lagas na bulaklak.
Humimlay kang mapayapa, kaawa-awang anak ng aking sawimpalad na Inang Bayan! Ibaon mo sa libingan ang mga pag-akit ng iyong kabataan na nalanta sa gitna ng kanyang kalusugan. Kapag ang isang bayan ay hindi makapaghahandog sa kanyang walang dungis na mga babae ng isang payapang tahanan sa ilalim ng tungkulin ng banal na kalayaan, kapag ang tanging maipapamana ng lalaki sa kanyang kabiyak ay kahihiyan, luha sa kanyang ina, at pagkaalipin sa kanyang mga anak, mabuti pa nga ang iyong ginawa na mamalagi sa pagkadalaga upang inisin sa iyong sinapupunan ang binhi ng darating na salinlahing isinumpa! A, mapalad ka pagkat di ka na mangingilabot sa iyong libingan kapag narinig mo ang daing ng mga naghihingalo sa karimlan, ng mga may pakpak, ngunit nangakatanikala, ang mga sinisikil, dahil sa kawalan ng kalayaan.
Tumungo ka na akbay ng mga pangarap ng makata sa pook ng kawalang-hanggan, anino ng isang babaing nananaog sa isang sinag ng buwan at ibinubulong ng nahuhutok na kawayanan. Mapalad ang mamatay na tinatangisan, na nag-iiwan sa puso ng sa kanya�y umiibig nang malinis na gunita, isang banal na alaala na hindi nadungisan ng kamunduhang nag-uulol sa pagdaraan ng mga taon. Yumao ka�t aalahanin ka namin! Sa dalisay na hangin ng ating Inang Bayan, sa ilalim ng kanyang bughaw na langit, sa mga alon ng lawang napapaligiran ng mga sapirong bundok at esmeraldang baybayin; sa kanyang malilinaw na batisang malililiman ng mga punong kawayan, nahihiyasan sa baybayin ng mga bulaklak, at pinasasaya ng mga tutubi at paruparo na wari�y nanunudyo sa hangin; sa katahimikan ng ating mga gubat, sa awit ng ating mga batisan, sa makinang na liwanag ng ating buwan, sa mga pagbubuntung-hininga ng hangin sa gabi, at sa lahat ng nagpapagunita ng larawan ng isang inibig, makikita ka naming lagi tulad ng aming pinapangarap, maganda, nakatinging katulad ng pag-asa, dalisay, gaya ng liwanag, ngunit malungkot at namimighating tinutunghayan ang aming mga kasawian.
Miyembro:
Justin Fonollera
Sharifa Taiba Camlian
Rosiemay E. Lim
Justine Mae Madro�al
IV-St. Ignatius

1 comment:

asd said...

question ko po pahiwatig ng pagiging balisa ni simoun