Tuesday, September 11, 2007

Kayamanan at Karalitaan

KABANATA X
KAYAMANAN AT KARALITAN

Sa ikatlong araw ng paglaya ni Tales, nagkaroon siya ng hindi inaasahang panauhin. Dumating ang mag-aalahas na si Simoun upang makituloy sa kanila ng isang gabi’t isang araw. Naghihikahos man, hindi ito sapat upang tumanggi siya sa taong ito na dala naman ang lahat ng pangangailangan mula sa mga utusan hanggang sa pagkain. Kaya nanaig pa rin ang likas na ugaling Pilipino. Ayon sa kanyang ipinagsasabi, pinili niyang pakipanuluyan si Kabesang Tales pagkat pinakamalaki ang bahay nito na nasa pagitan pa ng dalawang bayan na inaasahan niyang pinanggagalingan na maraming mamimili.
Pagdating, ipinakita agad ang galing ng kanyang baril sa kabesang tahimik lang na nagmamasid at sumasagot ng napakatipid sa mga katanungan ng panauhin. Sa malas, napatunayan ni Simoun na higit na makapangyarihan ang kanyang sandata sa taglay ng mga tulisan.
Halos walang patid ang dating ng mga tao na ang iba’y gusto lang naman makapag-usyoso ng balitang kalakal ni Simoun. Ang iba naman ay sadyang bibili upang makadaupang-palad at mapalapit kahit na papaano sa kaibigang karnal ng Heneral.
Nangunguna sa mga prospektibong mamimili ang mag-anak ni kapitang Basilio na si Kapitana Tika, anak na si Sinang at asawa nito. Naroon din si Hermana Penchang na sa kagustuhang mailigtas ang kaluluwa ni Juliana, iniwan ang dalagang nagsasaulo ng isang aklat na banal. Ipinamamarali pa na ang dalaga raw ay tila kabuting itinanim ng tikbalang. Hindi marunong magdasal at pagulilat pang sinasabing…
“Siya’y may ulong parang salaan… puno lamang habang nakalubog sa tubig.”
Dalawa ang sisdlan ng mga alahas na binuksan ni Simoun. Habang inaayos ang mga ito’y walang tigil sa paglalarawan ang bawat isa. Kayat si Sinang, sa tuwing mapapalatak ay nakukurot ng ina sa pangambang taasan ng mag-alahas ang presyo. Nang malaunan, pati na ang mga ina’y napapasusmarya sa nakikita. Bakit nga’y naroon na yata ang lahat ng mahalaga at mararangyang hiyas na ang bawat isa’y relikya at kayamanang maituturing.
Hindi lamang paghanga kundi pangamba rin ang sumapuso sa mga naroon. Bakit nga’y totoo ang mga sinabi ni Simoun lalo na nang sabihin niyang…
“Ito’y tila kahon ng isang manggagamot, kinapapalooban ng buhay at kamatayan, ng lunas at lason..Sa isang dakot lamang ito, mapaluluha ko ang lahat ng mamamayan sa baying ito. Maaari itong ipatapon, ipapatay o ipabilanggo ang ama ng isang payapa at masayang pamilya. Maaari rin namang hanguin nito sa lusak ng kapariwaraan ang isang sinawi o inapi ng mga mapanghamig.”
Nanunuot sa laman ang tinig ng taong ito. Malumanay ngang magbitiw ng mga salita subalit umaantig ng sindak. Pilit na ipinikit ni Tales ang mga mata… marahil, upang pawiin ang isang maruming balak na nagsusumiksik sa isipan.
At sino ang makasusumang sa katotohanan ng mga binaggit ni Simoun? Sa kasakiman ng tao nag-uugat ang pinakamalaking krimen sa daigdig.
Nang mapawi-pawi ang kanilang paggigilalas, nagsibili na ang karamihan. Isang relikaryo ang pinili ni Kapitana Tika, hikaw ni Sinang, si Kapitan Basilio hindi rin nakalimot na ibili ng kairel ang alperes at isang pares na hikaw para sa kura.
Ipinaalam din ni Simoun na siya’y bumibili ng mga antigong alahas… o maaaring ipagpalit kaya sa mga dala niya. Ibinaling ang tingin kay Kabesang Tales na matapos tumingin ay dagling nagbalik sa sulok ng kabahayan at itinutok ang tingin sa kaparangan. Nililimi-limi niyang isa lamang, maging ang pinakamaliit na brilyante ni Simoun ay higit pa sa sapat upang matubos sa pagkaalipin ang mutyang anak, maipagamot ang matanda nang ama, huwag mailit ang lupa at bahay na ginagawa ng sariling mga kamay, makahanap ng ibang lupang masasaka… o maibalik ang bukiring kinatataniman ng mga buto ng asawa’t anak.
Parang nagising sa isang panaginip o bangungot si Kabesang Tales nang tuwiran siyang tanungin ni Simoun. Pabiglang tumugon si Tales na wala na siyang maipagbiling halaga. Itinanong ni Sinang ang laket ni Maria Clara. Biglang nagliwanag ang mukha, hinalughog ang mga kahon at inilabas ang hiyas na dating ari ng nagmonghang anak ni Kapitan Tiago.
Nagpahayag ng interes ang mag-aalahas. Itinanong kung magkano, pinasumalahan ng limandaan o kaya’y maipagpapalit sa anumang magustuhan ni Tales. Papayag na sana sa presyong sinabi ni Simoun at inisip pa ngang pataasin para malutas ang ilan nilang kagipitan nang pumakli si Hermana Penchang…
“ Kung ako ang tatanungin aariin ko iyang relikya. Santa na si Maria Clara na pinakapupuri ni Pari Salving kanyang kompesor. Pinili pa nga ni Juliana ang isangla ang sarili kaysa mawalay iyan sa kanya.”
Tumalab ang pahiwatig ng Manang. Humingi ng pahintulot si Tales na makausap muna ang anak at nangakong babalik bago kumalat ang dilim.
Nang palabas na sa nayon, natanaw niya sa landas na patungo sa gubat ang tagapangasiwang prayle at ang nagsasaka na ngayon ng kanyang bukirin. Palagay ba niya’y nagtatawanan ang mga ito at siya ang pinagtatawanan… ang kanyang pagkawalang-halaga. Umugong ang kanyang mga tainga at para siyang nilatiko sa pilipisan. Lumiko at tinunton ang landas patungo sa kanyang bukirin.
Magdamag na naghintay si Simoun. Kinaumagahan, nakitang wala na ang rebolber niya sa lalagyan. Sa halip, naroon ang laket ni Maria Clara. Nakabalot sa isang liham na kababasahan ng…
“ Patawad sa pagkakapagnakaw ko sa inyo sa loob ng aking tahanan. Mahigpit na pangangailangan ang nagtulak sa aking gawin ito. Kapalit ng inyong sandata ay ang pinagmimithian ninyong hiyas. Sasama ako sa mga tulisan. Hihingan namin kayo ng tubos kapag nagkatagpo tayong muli.”
Napabuntunghininga si Simoun nang mabasa ito. Nasambit na natagpuan na niya ang kanyang tauhan. Papaalis na sila nang dumating ang apat na sibil. Hindi nakita si Tales kayat si Tandang Selo ang dinakip. Samantala, nagpatuloy na sina Simoun sa paglalakbay.
Naputi ang buhay ng prayleng uldog ng korporasyon, biyak ang bungo at puno ng lupa ang bibig ng nagsasaka ng kanyang bukirin at gilit ang lalamunan ng asawa nito. At sa tabi nito, isang liham na iginuhit ng dugo sa pamamagitan ng daliri… kinapapalooban ng mahimagsik na damdamin… at ang nakalagda… Tales.
Natupad ang isang sumpang udyok ng matinding pagkabigo at pagkaduhagi ng damdamin. Isa na naman ang nadagdag… sa mga bikig ng pamahalaan at tinik ng lipunan. Bakit kailangang sila’y dumami sa halip na mawala o mabawasan kaya…?


Eleanor Abdurajak
Elaine Joyce Macasinag
Moh. Annesir Kadjim
Andre Stephen Lluisma
IV-St. Evans

No comments: