Tuesday, September 11, 2007

Los Baños

KABANATA 11

SA LOS BAÑOS

Ang Kanyang Kamahalan, ang Kapitan Heneral at Gobernador ng Kapuluang Pilipinas ay nangaso sa Bosoboso. May kasama pa siyang banda ng musiko tulad ng mga santong ipinagpuprusisyon. Ngunit wala isa mang hayop silang nakita. Nangamba ang mga pinuno na baka ikagalit ng Kapitan Heneral ang ganitong pangyayari; ang totoo, lihim itong nagalak – ano na lamang ang iisipin ng mga katutubo kung hindi siya makapagpatama sa mga hayop, siya na nagyayabang na asintadong mangangaso?

Noon ay isang umaga ng mga huling araw ng Disyembre at habang naghihintay ng almusal ay nakikipagbaraha ang Kapitan Heneral kina Padre Irene at Padre Sibyla, na palihim na nagpapatalo upang masiyahan ang kalaro. Nayayamot naman si Padre Camorra, na nang umagang iyon lamang dumating at di nalalaman ang mga nangyayari.

Sa isang maliit na mesa sa isang sulok ng kabahayan ay nakaupo ang kanyang sekretaryo. Masipag ang kapitan Heneral at ayaw niyang maaksaya ang oras, kaya’t hinaharap niya ang kanyang mga tungkulin habang binabalasa ang mga baraha. Nang umagang iyon ay naharap na ng Kanyang Kamahalan ang mga pang-araw-araw na bagay tulad ng paglilipat, pagpigil, pagpapatapon, pagpapatawad, at iba pa, ngunit hindi pa nahaharap ang isang malaking isyu na tumawag ng pansin ng marami, ang petisyon ng mga estudyante na makapagbukas ng isang akademya para sa pagtuturo ng wikang Kastila.

Tatlong lalaki – sina Don Custodio, isang mataas na opisyal, at isang prayle na ang ngala’y Padre Fernandez – ang palakad-lakad sa bulwagan. Sa di kalayuan, nakikipagbilyar si Simoun kay Ben Zayb.

Biglang tumayo si Padre Camorra at inihagis ang kanyang baraha sa ulo ni Padre Irene. “Punyales!” sabi ni Padre Camorra. “Kahit si Kristo ay hindi palulusutin ang pandaraya ninyo!” At bago nakapagpaliwanag si Padre Irene ay nakaalis na si Padre Camorra na nagtungo sa mga nagbibilyar.

Niyaya ni Padre Sibyla si Padre Fernandez na makipaglaro, ngunit tumanggi ang huli. Naisipan ng mga prayle na si Simoun ang isali. Pumayag si Simoun sa kasunduang ang itatapat ng mga prayle sa kanyang mga brilyante ay ang pagtatakwil sa sinumpaang pagpapakumbaba, karalitaan, pagkabukas-palad, atb., samantalang ang sa Kapitan Heneral naman ay pagpapabilanggo, pagpapatapon at pagpapapatay. Ikinatuwiran niyang sawa na siya sa mga kabutihan kaya’t kung maaari lamang ay ibig niyang tipunin ang mga ito sa sako at ihulog sa dagat kasama ang kanyang mga brilyante bilang pabigat. Isinalaysay ni Simoun na minsa’y hinarang siya ng mga tulisan, na matapos siyang tanggaping mabuti sa loob ng isang araw, ay hinayaan siyang magpatuloy sa kanyang paglalakbay nang walang kinuha sa kanya liban sa dalawang rebolber. Idinagdag ni Simoun na ang mga tulisan ang pinakamarangal na tao sa buong bansa – kung halimbawang kay Padre Irene nahulog si Simoun, tiyak na palalayain lamang nito si Simoun kapaliy ng kanyang mga alahas. Sinabi pa ni Simoun na ang problema ay hindi ang mga tulisan sa mga kabundukan, kundi ang mga tulisan sa mga bayan at lungsod. Nagtawanan ang lahat nang makitang nag-iinat ang sekretaryo.

Hinarap ng Kapitan Heneral ang mga bagay na humihingi ng kanyang kapasiyahan. Ipinagbawal niya na ang mga sandatang pambulwagan, ngunit sa mungkahi ni Simoun, ang ipinagbawal lamang ay ang mga sandatang may anim na milimetrong kalibre, na siyang karaniwang natatagpuan sa mga tindahan.

Sinabi ng sekretaryo na naroon ang guro ng Tiani na nagsasabing walang bubong ang kamalig na nagsisilbing silid-aralan ng mga bata. Sinabi ni Padre Camorra na ang gurong ito ay isang erehe sapagkat itinuturo nitong kapwa nabubulok ang mga patay na nabasbasan at ang di nabasbasan ng simbahan. Idinagdag ni Padre Sibyla na si Socrates ay sa plasa lamang nagturo, si Plato ay sa mga halamanan ng Academo, samantalang si Kristo ay sa mga bundok at lawa. Matapos makipagpalitan ng tingin kay Simoun, ipinasiya ng Kapitan Heneral na suspindihin ang guro. Tumutol ang mataas na opisyal, ngunit matigas ang ipinasiya ng Kapitan Heneral na sinumang magharap ng reklamo ay sususpindihin. Samantala’y iminungkahi ni Don Custodio na gamiting paaralan ang mga sabungan sapagkat tuwing Linggo lamang ito nagagamit. Naputol ang pagtatalo tungkol sa paaralan nang sabihin ng Kapitan Heneral na may roon siyang plano para sa pampublikong paaralan.

Nang mabuksan ang tungkol sa kahilingan ng mga estudyante na makapagbukas ng isang akademya para sa pagtuturo ng wikang Kastila, sinabi ng mataas na opisyal na dapat itong payagan. Ngunit sinabi ni Simoun na ang kahilingan ay kahina-hinala. Idinagdag ni Padre Sibyla na iyon ay isang mapayapang rebolusyon at pinangungunahan ng mga kabataang humihingi ng mga pagbabago at pagkasulong. Kabilang sa mga ito ang isang estudyante ni Padre Fernandez, si Isagani, na pamangkin ng isang katutubong pari. Kasama rin ang isang Makaraig, na mayaman; at isang Basilio, na ang ama ay napatay sa isang pagkakagulo. Nang marinig ang bagay na ito tungkol kay Basilio, sinabi ng Kapitan Heneral sa sekretaryo na tandaan ang pangalang iyon.

Sinabi ng mataas na opisyal na dapat pagtibayin ang kahilingan ng mga mag-aaral. Ngunit tinutulan ito ni Padre Camorra sa dahilang hindi raw dapat matuto ng Kastila ang mga Indio. Idinagdag ni Padre Sibyla na hindi lamang ang pagtuturo ng Kastila ang kasangkot; kapag pinagbigyan ngayon ang mga estudyante, sasabihin nilang nagapi nila ang mga prayle. At pagbagsak ng mga prayle, babagsak rin ang gobyerno. Ngunit sinabi ni Padre Fernandez na kailangang baguhin ang mga patakaran sa pamamahala at ibatay ang mga ito sa katarungan. Kung ang hinihingi ng mga estudyante ay makatuwiran, ibigay ang kanilang hinihingi. Sa gayon, magkakaroon sila ng utang na loob sa mga namamahala.

Napagkaisahan na sa kinabukasan na nagpapasiyahan ang tungkol sa kahilingin ng mga estudyante. Tumayo na ang lahat upang kumain. Noon binanggit ng mataas na opisyal ang tungkol sa anak ni Kabesang Tales na tatlong araw nang pabalik-balik. Hinihiling nito na palayain ang kanyang ingkong, na dinakip bilang kapalit ng kanyang ama.

Sinabi ni Padre Camorra na naparoon siya upang tulungan ang dalaga. Iniutos ng Kapitan Heneral na palayain ang matanda. Tumingin si Padre Camorra kay Ben Zayb at ang mamamahayag ay kumindat.

IV- St. Evans

Alforte, Giorgio Oliver S.

Cabrera, Nichelexious M.

Francisco, Prince Cott Jhed H.

Wee, Krizzell S.

No comments: