Tuesday, September 11, 2007

Si G. Pasta

Kabanata – 15
Si G. Pasta

Nagsadya si Isagani sa bahay ng abogado, isa sa pinakamatalas na isip sa Maynila at sinasangguni ng mga fraile sa kanilang malalaking kagipitan. Matagal-tagal naghintay ang binata dahil maraming kliyente. Sa wakas, dumating ang kaniyang pagkakataon at pumasok siya sa tanggapan o bupete-na karaniwang tawag ditto sa Filipinas.
Tinanggap siya ng abogado na may bahagyang ubo at palihim na tumingin sa kaniyang paa. Hindi ito tumindig, hindi man lamang siya pinaupo, at patuloy sa pagsusulat. Nagkaroon ng pagkakataon si Isagani na pagmasdan ito at pag-aralang mabuti. Malaki ang itinanda ng abogado, ubanin, at kalbo na ang halos buong tuktok. Maasim at matigas ang kaniyang mukha.
Tahimik na tahimik ang tanggapan. Tanging maririnig ang mga kaluskos ng mga eskribyente o mga dumaraang nagtatrabaho sa karatig-silid. Lumalangitngit, tila nakikipag-away sa papel, ang kanilang mga pluma.
Sa wakas, natapos ang abogado sa pagsusulat. Binitawan ang pluma, itinaas ang ulo, at nang makilala ang binata, lumiwanag ang mukha at magiliw na iniabot ang kamay.
Kumusta ka, binata! Ngunit maupo ka, ipagpaumanhin mo… Hindi ko alam na ikaw pala. At ang tiyo mo?”
Nabuhayan ng loob si Isagani at inisip na mapapabuti ang kaniyang sadya. Pabuod niyang isinalaysay ang mga nangyari habang pinakikiramdamang mabuti ang bisa ng kaniyang mga pangungusap. Nakinig si Senyor Pasta, walang ipinakikitang damdamin sa simula. Bagaman batid na niya ang mga pag-kilos ng mga estudyante, nagkunwa sitang walang nalalaman upang ipakitang wala siyang pakialam sa gayong mga kamusmusan. Subalit nang mahinuha kung ano ang kailangan sa kaniya at marining na may kaugnayan sa Bise Rektor, sa mga fraile, sa Kapitan Heneral, sa proyekto, atbp., unti-unting dumilim ang kaniyang mukha at bumalalas: “Bayan itong mga proyekto! Ngunit magpatuloy ka, mapagtuloy ka!”
Hindi nasiraan ng loob si Isagani. Ipinaliwanag ang binigay na solusyon at nagtapos sa pagpapahayag ng pananalig ng mga kabataan na siya, si Senyor Pasta, ay mamamagitan ukol sa panig nila sakaling sangguniin siya ni Don Custodio, na inaasahan nilang mangyayari. Hindi nangahas si Isagani na sabihing: “payuhan siya” nang makitang nakasimangot ang abogado.
Subalit nakapagpasiya na si Senyor Pasta. Hindi siya makikialam sa asuntong iyon, kasangguni man o sinasangguni. Batid niya ang naganap sa Los Baños. Batid niyang may dalawang panig at hindi lamang si Padre Irene ang tagapagtaguyod ng panig ng mga estudyante. Batid niyang hindi si Padre Irene ang nagmungkahing ipadala ang petisyon sa Comision de Instruccion Primaria kundi ang kabaligtaran. Matagumpay n asana sina Padre Irene, Padreb Fernandez, ang Kondesa, isang komersiyanteng nakikita ang benta ng mga gamit ukol sa bagong akademya, at ang mataas na empleadong banggit nang banggit sa mga dekreto ng hari, nang maalala ni Padre Sibyla-sa pagnanais magkaroon ng panahon-ang mataas magsalita ng komisyon. Nasa isip ng dakilang abogado ang lahat ng ito, kaya nang matapos magsalita si Isagani, ipinasiya niyang lituhin ito sa pamamagitan ng mga pag-iwas, guluhin ang usapin, at idako sa ibang larangan and usapan.
“Oo!” aniyang lumalabi at kinakamot ang panot. “Walang ibang makahihigit sa akin sa pag-ibig sa bayan at sa mga mithiing progresista, ngunit…hindi ako makapangako… Hindi ko alam kung nauunawaan ninyo ang aking katayuan, isang katayuan maselan…napakarami kong interes na inaalagaan…Dapat akong kumilos sa loob ng mga hanggahan ng mahigpit na pag-iingat…Isa itong pananagutan…”
Nais lituhin ng abogado ang binata sa pamamagitan ng dagsa ng mga pangungusap at nagsimulang magsalita tungkol sa mga batas, mga dekreto, at napakaraming sinabi kaya sa halip maligaw ang binata, halos siya na rin ang naligaw sa labirento ng kaniyang mga sinipi at pahayag.
“Hindi namin kayo ibig ilagay sa anumang kagipitan,” mahinahong sagot ni Isagani. “Huwag itulot ng Diyos na gamabalain naming kahit saglit ang isang tao na napakahalaga ang buhay sa nakararaming Filipino! Ngunit kahit napakaliit ng alam ko sa mga batas, sa mga utos ng hari, mga tadhana’t pasiyang umiiral sa ating bansa, hindi po ako naniniwala na maaaring magdulot ng masama ang pagtataguyod sa matataas na layunin ng gobyerno, sa pagsisikap na matamo ang kaniyang mabuting interpretasyon. Iisa po ang hinahabol nating layunin at nagkakaiba lamang tayo sa mga pamamaraan.”
Napangiti ang abogado. Napatangay ang binata sa ibang larangan at doon niya ito guguluhin na nga ito.
“Iyan na nga, iyang-iyan ang quid na sinasabi ng lahat. Maliwanag na kapuri-puring tumutulong sa gobyerno kapag tinutulungang may pagpapakumbaba, sinusunod ang mga pasiya nito-ang wastong diwa ng mga batas sang-ayon sa mga wastong paniniwala ng mga namamahal-at kapag hindi sumasalungat sa matagal na’t pangkaraniwang anyo ng pag-iisip ng mga tao na nangangalaga sa kapakanan ng lahat sa lipunan. At dahil dito, kriminal, dapat parusahan sapagkat pagkakasal laban sa mataas na simulain ng kapangyarihan ang magtangka ng isang pagkilos na salungat sa mga pagkukusa nito kahit ipinalalagay na higit itong mabuti kaysa namamahal, at sapagkat ang ganiyang mga gawain ay makasasama sa karangalan-ang unang base at saligan ng itinayong mga gusaling kolonyal.”
At nakatitiyak na nakabaliw kahit paano kay Isagani ang gayong tirade, buong taimtim na pinagbuti ng abogado ang upo sa kaniyang silyon bagaman tumatawa ang kalooban.
Gayunman, sumagot si Isagani.
Iniisip kop o na hahanap ng saligang lalong matibay ang mga gobyerno kapag nanganganib… Napakahina ng karangalan bilang saligan ng gobyernong kolonyal, sapagkat wala ito sa kaniya kundi nasa mabuting kalooban ng mga pinamamahalaan habang ibig nila itong kilalanin… Higit na matibay po, sa palagay ko, ang katarungan o katwiran bilang saligan.”
Napaangat ang ulo ng abogado. Ano? Nangahas sumagot at makipagtalo ang binatang ito sa kaniya, siyang si Senyor Pasta? Hindi pa ba ito nalilito sa kaniyang mga dakilang pangungusap?
“Binata, kailangang itabi ang ganiyang mga kaisipan dahil mapanganib,” putol ng abogado habang kumukumpas. “Ang sinasabi ko sa iyo, hayaang kumilos ang gobyerno.”


“Ginawa po ang mga gobyerno ukol sa kabutihan ng mga sambayanan, at upang magampanang maayos ang layon ng mga ito, kailangang sumunod ito sa ipinahihiwatig ng mga mamamayan na higit na nakaaalam sa kanilang mga pangngailangan.”
“Mga mamamayan din ang mga bumubuo sa gobyerno at sila ang higit na nakapag-aral.”
“Ngunit, tulad po ng ibang tao, nagkakamali kaya hindi dapat maging bingi sa kuro-kuro ng iba.”
“Kailangang magtiwala sa kanila, ibinibigay nila ang lahat ng makakaya.”
“May isang salawikaing lantay ng Espanyol na nagsasabing el queno no llora no mama; ‘ang hindi umiyak, walang gatas.’ Ang hindi humingi, hindi bibigyan.”
“Ang kabaligtaran!” sagot ng abogadong tumatawang nangungutya. “Sa gobyernong ito, ang kabaligtaran ang nangyayari.”
Subalit madaliang huminto sa tila lumabis sa pagsasalita at ibig isaayos ang kawalang-ingat.
“Binigyan tayo ng gobyerno ng mga bagay na hindi natin hiningi, na hindi natin maaaring hingin…sapagkat ang paghingi…nangangahulugan ang paghingi na may kakulangan at samakatwid hindi ito tumutupad sa tungkulin… Ang magmungkahi ng isang paraan, magtangkang pumatnubay dito, kahit hindi upang kalabanin ito, ang ganitong mga pagpapalagay ay banta sa pag-iral ng mga gobyernong kolonyal… Hindi ito naiisip ng karaniwang tao at hindi ito alam ng mga kabataang padalos-dalos, hindi nakauunawa, hindi nais umunawa sa salungat na bias ng paghingi, sa subersibong nilalaman ng ideang ito.”
Ipagpatawad po ninyo,” putol ni Isagani na nasaktan sa mga argumentong ginamit sa kaniya ng abogado. “Kapag humingi ang bayan sa paraang legal ng isang bagay sa gobyerno, dahil inaakala nilang mabuti ito at handing magbigay ng isang kabutihan, at dapat ikatuwa, sa halip ikagalit, ang paghingi. Hinihingan ang isang ina, hindi kailanman ang isang madrasta. Ang gobyerno po, sa aking di-dalubhasang palagay, ay hindi isang maalam-sa-lahat na maaaring makita at makinita ang lahat. At magkagayon man, hindi ito dapat masaktan, sapagkat dito nga po’y may Simbahan tayo na walang ginagawa kundi humingi at humingi sa Diyos na nakakikita at nakababatid ng lahat, at kayo man naman ay humihiling at humuhingi ng maraming bagay sa hukuman ng gobyernong ito, at hanggang sa ngayon, hindi nagpapakitang nasasaktan ang Diyos at ang hukuman. Nasa isip ng lahat na ang gobyerno, bilang isang institusyong likha ng tao, ay nangangailangan ng tulong ng lahat, nangangailangan ito ng magpapakita at magpapaalam sa mga tunay na pangyayari. Kayo na rin po ay hindi naniniwala sa katotohanan ng inyong pagtutol. Kayo na rin ang nakaalam na malupit at mapaniil ang gobyerno na, upang magpakita ng lakas at independisiya, ay ipinagkakait ang lahat dahil sa takot o sa kawalan ng tiwala at mga bayan lamang na sinisiil at inaalipin ang may tungkuling huwag humingi ng kahit ano. Walang dapat hingin ang bayang napopoot sa kanilang gobyerno kundi ang magbitiw ito sa kapangyarihan.”
Ngumiwi-ngiwi at umiling-iling ang matandang abogado, palatandaang hindi nasisiyahan, at hinaplos ang panot. Pagkatapos, sa himig ng maawaing tagapagtanggol, aniya:”Hmm! Masasamang doktrina iyan, masasamang teorya, hmm! Malinaw na nakikitang bata ka pa at walang karanasan sa buhay. Tingnan ang nangyayari sa mga kabataang walang karanasang nasa Madrid at humihingi ng napakaraming reporma. Pinaratangan silang lahat ng filibusterismo, marami sa kanila ang hindi makapangahas umuwi. At magkagayon man, ano ang hinihingi nila? Mga bagay na banal, luma na, at alam ng lahat na hindi makasasama... Ngunit may mga bagay na hindi maipaliwanag, napakaseselan…siya…inaamin ko sa iyo na may iba pang mga dahilan bukod sa mga nabanggit na nagtutulak sa isang matinong gobyerno para sistematikong ipagkait ang mga lunggati ng bayan…hindi… Gayunman, maaaring mangyari na makatagpo ng mga pinunong napakahangal at katawa-tawa… Ngunit lagi nang may iba pang dahilan…kahit na lubhang makatarungan ang hinihingi…Iba’t iba ang kalagayan ng mga gobyerno…”
Nag-atubili ang matanda, ipinako ang tingin kay Isagani, at pagkatapos, nagpasiya, kumumpas nang tila may iwinawaksi sa isip.
“Nahuhulaan ko ang ibig ninyong sabihin,” patuloy ni isagani na ngumiting malungkot. “Ibig ninyong sabihin na dahil ganap ang pagkakabuo sa isang gobyernong kolonyal, at sapagkat nakasalig ito sa mga batayang…”
“Hindi, hindi, hindi iyan, hindi!” malakas na putol ng matanda at waring may hinahanap sa mga papeles. “Hindi, ibig sabihin… Nasaan ba ang aking anteohos?”
“Narito po,” ani Isagani.
Isinuot ni Senyor Pasta ang salamin, nagkunwang bumabasa ng ilang papeles, at nang makitang naghihintay ang binata, umutal-utal:”Mayroon akong ibig sabihin…ibig kong sabihin, ngunit nakalimutan ko na…pinutol ako ng kapusukan mo…isang munting bagay…Kung alam mo lamang ang gulo sa ulo ko, napakarami kong gagawin!”
Naunawaan ni Isagani na pinaalis na siya. “Kung gayon po,” aniyang tumitindig, “kami’y…”
“A! Makabubuting iwan ninyo ang asunto sa kamay ng gobyerno. Ito ang magpapasiya sang-ayon sa minamarapat nito…Sabi mo, tutol ang Bise Rektor sa pagtuturo ng Kastila. Marahil, tutol siya, hindi nilalaman kundi sa anyo. Sinasabing may dalang isang proyektong reporma sa pagtuturo ang Rektor na paparito…Maghintay muan kayo, bigyan ninyo ng panahon ang panahon, mag-aral kayo dahil nalalapit na ang eksamen, at karamba! Ikaw na nagsasalita nang mabuti ng Kastila at matatas magpahayag, bakit ka pumapasok sa gulo? Ano ang interes mong ituro ito nang bukod? Natitiyak kong magkatulad ang palagay namin ni Padre Florentino! Ipakihatid ang aking mga pagbati…”
“Ang akin pong amain,” tugon ni Isagani, “lagi niyang ibinibilin na isipin ko ang sa iba tulad ng sa akin. Hindi ako naparito alang-alang sa sarili. Naparito ako sa ngalan ng mga higit na nangangailangan.”
“Demonyo! Gawin nila ang ginawa ninyo, magsunog ng kilay sa pag-aaral, at makalbong tulad ko sa pagsasaulo ng buo-buong talata… At naniniwala ako, kung nagsasalita ka ng Espanyol, dahil pinag-aralan mo. Hindi ka taga-Maynila at hindi ka anak ng Espanyol! Aba, matuto silang tulad mo at gawin nila ang ginawa ko…Naging utusan ako ng lahat ng fraile, ipinaghahanda ko sila ng tsokolate at habang hinahalo ko ng kanang kamay sa pamamagitan ng batidor, hawak ko sa kaliwa ang gramatika. Naturo ako at, salamat sa Diyos, hindi ako nangailangan ng iba pang mga maestro at ng mga akademya at ng mga pahintulot ng gobyerno…Maniwala ka sa akin: Ang ibig matuto, matututo at dudunong.”
“Ngunit ilan ang magiging tulad ninyo sa mga ibig matutuo, isa sa sampung libo, o higit pa?”
“Psst! At bakit kailangan pa?” sagot nitong nagkikibit ng balikat. “Labis ang mga abogado, marami ang pumapasok na lamang na eskribuyente. Mga doctor? Nag-iinsultuhan, nagsisiraan, at nagpapatayan sa pag-aagawan sa isang maysakit…Mga bisig, ginoo, mga bisig ang kailangan ukol sa agrikultura!”
Batid ni Isagani na sinasayang niya ang panahon, subalit ibig niyang sumagot.
“Wala pong alinlangan,” sagot niya, “na maraming doktor at abogado. Ngunit hindi ko po masasabing labis dahil may mga bayang wala. At kung labis man pos a dami, marahil kulang naman sa kalidad. At, sapagkat hindi po mahahadlangan ang kabataan sa pag-aaral at wala nang iba pang karera dito, bakit po pababayaang masayang ang kanilang panahon at pagsisikap? At kung hindi po makahadlang ang kahinaan sa pagtuturo sa marami upang maging abogado at doktor, kung sa dulo’y magkakaroon lamang din tayo, bakit hindi pa po ang mabubuting uri? Sa kabilang dako, kahit na po nais lamang nating gawin ang baying ito na isang bayan ng mga magsasaka, isang bayan ng mga manggagawa, at ipagbawal ang lahat ng gawaing intelektuwal, wala po akong nakikitang masama na turuan ang mga magsasaka at manggagawa, upang maibigay man lamang sa kanila ang isang edukasyong magpapahintulot sa kanila pagkatapos sila sa isang katayuang maunawaan ang maraming bagay na hindi pa nila nalalaman sa ngayon.”
“ Aba , ba, ba!” bulalas ng abogadong gumuguhit ng mga bilog sa hangin sa pamamagitan ng isang kamay upang tila itaboy ang mga lumabas na kaisipan. “Hindi kailangan ang maraming retorika upang maging isang mahusay na magsasaka. Mga pangarap, mga kahibangan, ideolohiya! Sige, ibig mong makining sa isang payo?”
At tumindig at magiliw na ipinatanong ang kamay sa balikat ng binata, saka nagpatuloy.
“Bibigyan kita ng isa at napakabuti dahil nakikita kong matalino ka at hindi masasayang ang payo. Nag-aaral ka ba ng Medisina? Kung gayon, ibuhos mo ang sarili sa pag-aaral kung paano maglagay ng mga emplasto at gumamit ng mga linta, at huwag ka kailanman magtatangkang pabutihin o pasamain ang kapalaran ng mga katulad mo. Kapag natanggap mo na ang iyong lisensiyado, mag-asawa ka ng isang mayaman at deboteng dalaga, pagsikapang manggamot at makasingil nang mabuti, iwasan ang lahat ng bagay na may kinalaman sa pangkalahatang kalagayan ng bayan, magsimba, mangumpisal, at mangumunyon kapag ginagawa ng karamihan, at makikita mo pagkatapos kung gaano mo ako dapat pasalamatan at makikita ko ito kung buhay pa ako. Lagi mong tatandaan na nagsisimula rin sa sarili ang kawanggawang nauunawaang mabuti. Hindi dapat maghanap sa lupa ang isang tao nang higit pa sa pinakamataas na kaligayahang pansarili, tulad ng sabi ni Bentham. Kapag pumasok ka sa mga Quijotismo, mga pangangarap, hindi ka magkakaroon ng karera, hindi makapag-aasawa, at hindi magiging anuman. Itatakwil ka ng lahat at ang mga kababayan mo na rin ang magtatawa sa iyong kawalng-malay. Maniwala ka sa akin, maaalala mo ako’t sasabihing tama kapag may mga uban ka nang tulad ko, mga ubang tulad nito.”
At hinawakan ng matandang abogado ang ilang puting buhok, ngumiting malungkot at umiling.
“Kapag may mga uban na po akong tulad ng sa inyo,” kasinlungkot ding sagot ni Isagani, “at ginunita ang nakaraan at Makita kong gumawa ako alang-alang sa sarili lamang, hindi ginawa ang magagawa’t nararapat gawin ukol sa bayang nagbigay sa akin ng lahat, ukol sa mga mamamayang tumutulong sa aking mabuhay, kapag nagkagayon po, magiging tinik sa akin ang bawat uban, at sa halip na ikaluwalhati ko’y dapat kong ikahiya!”
At pagkawika nito, buong galang na yumuko at umalis.
Nanatiling di-kumikilos ang abogado sa kinatatayuan, may bahid ng mangha ang mukha. Narining niya ang mga yabag na unti-unting lumalayo at umupo siyang muli habang bumubulong.
“Kawawang binata! Ganoon ding kaisipan ang sumagi sa isip ko isang araw! Ano pa ang hihigit sa hangaring masabi na: ‘Ginawa ko ito alang-alang sa Inang-Bayan, inialay ko ang buhay ukol sa kabutihan ng kapwa? Koronang laurel, ibinabad sa kapaitan, mga tuyong dahong bumabalot sa mga tinik at uod. Hindi iyan ang buhay. Hindi iyan nagdudulot ng makakain, hindi nagtatamo ng karangalan. Halos nagagamit lamang na alsa ang laurel; hindi nagbibigay ng katahimikan, ni hindi nakapagpapanalo ng mga asunto. Baka ang kabaligtaran! May sariling moral ang bawat bansa, gaya ng pangyayaring may sariling klima at sariling mga karamdamang naiiba sa klima at mga karamdaman ng ibang mga bansa!”
At saka idinagdag: “Kawawang binata! Kung lahat sana’y nag-iisip at gumagawa ang tulad niya, hindi ko sinasabi na hindi…Kawawang binata! Kawawang Florentino!”




Eva Peachy Redoña
Abigail Sebastian
Bryan Villavieja
Acezor Lim

-IV St. Jerome- :)

No comments: