Tuesday, September 11, 2007

Mga Alamat ng Ilog Pasig

Kabanata 3

MGA ALAMAT NG ILOG-PASIG

Tapos na ang pagtatalo at nagtatawanan na ang mga nasa kamara ng bapor ng dumating doon si Pari Florentino.

Itinanong ni Don Custodio kung saan nanggaling si Simoun na noo’y kararating lamang kaya hindi tuloy nakita ang magagandang tanawin sa paglalayag.

“Marami ang ilog at tanawin akong nasaksihan,” ang tugon ng mag-aalahas. “Wala nang may kabuluhan sa akin kundi iyong may mga alamat.”

Sa tinuran niyang yaon ay sinabi ng kapitan na may ilang alamat ang Ilog-Pasig.

Ikinuwento niya ang alamat ng Malapad-na-bato. Noong hindi pa dumarating sa Pilipinas ang mga Kastila ay sinasamba ng mga tao ang Malapad-na-bato, na umano’y tirahan ng mga espiritu. Nang mawala ang pananalig sa bato, iyo’y naging tirahan ng mga tulisan. Mula sa tugatog noon ay madali silang nakapangharang ng mga bangka. Nang malaunan, sa kapanahunan na ng kapitan, ay may mangisa-ngisa pa ring natataob na bangka sa tabi ng bato.

Pagkatapos maikuwento ang alamat ng Malapad-na-bato, sinabi ng kapitan na may isa pang makasaysayang alamat, ang alamat ng yungib ni donya Jeronima, na maaaring isalaysay ni Pari Florentino.

“Noon araw,” ang pasimula ni Pari Florentino, “ay may isang binatang nangakong pakakasal sa isang dalaga sa kanilang bayan. Naghintay nang mahabang panahon ang dalaga hanggang sa lumipas ang kanyang kabataan. Isang araw ay nabalitaan ng dalaga na ang kanyang katipan ay siya nang Arsobispo sa Maynila. Nagsuot-lalaki ang babae at nagsadya sa Arsobispo. Hiniling dito ang katuparan ng kanyang pangako. Ang kahilingan ng babae na kung tawagi’y Donya Jeronima, ay hindi naipagkaloob kaya ipinagpagawa na lamang siya ng Arsobispo ng isang yungib na sa labas ay napapalamutihan ng mga baging. Doon nanirahan si Donya Jeronima. Doon siya namatay at doon din siya inilibing. Ayon sa sabihanan ay nagging matabang-mataba siya kaya patagilid kung siya’y pumasok sa yungib. Siya’y napabantog na isang engkantada dahil sa ugali niyang paghahagis sa ilog ng mga kasangkapang pilak na ginagamit sa mga piging na dinadaluhan ng maraming ginoo. Sa ilalim ng tubig ay may isang lambat na siyang sumasagip sa mga kasangkapang nahuhugasan. Noong wala pang dalawampung taon ang nakaraan ay umaabot sa pintuan ng yungib ang ilog, ngunit unti-unti ring lumayo, gaya ng paglimot ng mga tao kay Donya Jeronima.”

Pagkatapos makapagkuwento ni Pari Florentino, at pagkaraan ng ilang sagutan tungkol sa kanyang isinalaysay ay ikinuwento naman ni Pari Salvi ang alamat ng Buwayang Bato.

“Noong araw,” anya, “ay maraming buwaya sa lawa at sa ilog. Ang mga buwayang iyo’y lubhang malaki’t matatakaw. Sinusugod nila ang mga bangka at pinalulubog sa isang palo lamang ng kanilang buntot. Minsan ay isang Intsik na hindi binyagan ang dumaan sa harap ng simbahan. Walang anu-ano’y humarap sa kanya ang dimonyong nag-anyong buwaya at itinaob ang kanyang bangka upang siya’y silain at dalhin sa impiyerno. Tumawag kay San Nicolas ang intsik at noon di’y naging bato ang buwaya.”

Pagkatapos ng salaysay ni Pari Salvi ay nagpahayag si Ben Zayb na kahanga-hanga ang alamat. Noo’y pumapasok na sa lawa ang bapor at ang tanawing bumati sa paningin ng lahat ay lubhang kahanga-hanga.

“Maalaala ko nga pala, Kapitan,” ani Ben Zayb, “ batid ba ninyo kung saan napatay ang isang nangangalang Guevarra, Navarra, o Ibarra?”

Lahat, maliban kay Simoun, ay tumingin sa kapitan.

“Ah, siya nga!” ani Aling Victorina. “Saan, Kapitan? Nakaiwan ba siya ng bakas sa tubig?”

“Tumingin kayo roon,” ang sabi ng kapitan. “Ayon sa pinunong nangulo sa pagtugis, si Ibarra ay tumalon sa tubig sa malapit sa Kinabutasan nang lumangoy sa ilalim ng tubig at sa tuwing lilitaw ang kanyang ulo upang huminga ay pinapuputukan siya. Sa dako pa roo’y hindi na siya nakita. Sa tabi ng pampang ay may nakakita ng kulay-dugo. Ngayon ang ika-labintatlong taon ng pangyayari.”

“Kung gayon, ang kanyang bangkay…” ang salitang di natapos ni Ben Zayb.

“Ay nakisama rin sa bangkay ng kanyang ama,” ang dugtong ni Pari Siyla. “Hindi ba siya’y isang pilibustero, Pari Salvi?”

“Iyan ang matatawag na murang libing, Pari Camorra,”
ani Ben Zayb.

“Palagi kong sinasabing pilibustero ang mga bumabayad ng mahal na libing,” ang patawang tugon ni Pari Camorra.

“Ano ang nangyayari sa inyo, G. Simoun?” ang tanong ni Ben Zayb. “Nahihilo ba kayo sa isang patak na tubig na katulad nito? Kayong matanda nang manlalakbay!”

Sumabad ang kapitan na may pagkagiliw sa mga pook na iyon.

“Huwag ninyong tawaging isang patak na tubig ang lawang ito,” anya. “Ito’y malaki kaysa alin mang lawa sa Suwisa at sa pinagpisan-pisang mga lawa sa buong Espanya. Nakakita na ako ng matatandang magdaragat na nangahilo rito.”


Ipinasa nina:
Nanding, Vanessa
Librando, Lucy
Saavedra, Jerbie
Macaso, John Michael
4 – St. Southwell

No comments: