Tuesday, September 11, 2007

Ang Mataas na Kawani

Kabanata 31

ANG MATAAS NA KAWANI

Ang pahayagan sa Maynila ay abala sa paglathala ng
isang kahindik-hindik na patayan sa Europa, sa pagpuri
at pagbibigay karangalan sa mga predikator sa lunsod,
at maglathala ng tungkol sa pangungulimbat at
panggugulo sa lalawigan ng isang pangkat ng mga
tulisang pinamumunuan ng isang kakila-kilabot at
mabangis na pinunong kilala sa taguring Matanglawin.
Ngunit kung ang napinsala ay isang prayle o Kastila,
mahahabang lathalaing naglalarawan ng kakila-kilabot
na pangyayari ang lalabas, kaya hihingin ng sapilitan
ang pagpapahayag ng tinatawag na Estado De Sitio at
mabibisang hakbang sa pagsugpo ng kaguluhan. Hindi
nailathala sa mga pahayagan ang nangyari sa bayan ng
Tiyani. Hindi rin nagkaroon ng usap-usapan tungkol
dito. Nagkaroon ng bulung-bulungan na piling umpakan,
ngunit ang lahat ay walang katiyakan, pawang
kaguluhan, paiba-iba, kaya kahit na ang pangalan ng
nasawi ay hindi nabatid. At ang mga nagkaroon ng
malaking pagkawili sa pangyayaring ito ay madaling
nakalimot sa pag-aakalang nagkaroon ng pakikipag-ayos
sa kamag-anakan ng nasawi. Ang tanging tiyak lamang ay
ang paglisan ni Padre Camorra sa Tiyani upang malipat
sa ibang bayan o mamalagi munang pansamantala sa
kumbento ng kanilang orden sa Maynila.

"Kaawa-awang Padre Camorra!" ang bulalas ni Ben Zayb
na nag-aanyong may magandang loob. "Siya ay isang
taong masaya. Siya ay may mabuting kalooban."

Totoong nakalaya na ang mga mag-aaral. Salamat sa
pagsusumikap ng kanilang mga magulang na hindi
inalintana ang magugugol na mga handog at mga
paghihirap. At gaya ng inaasahan, ang unang nakalabas
ay si Makaraig at ang huli'y si Isagani, sapagkat
kinailangan ni Padre Florentino and isang linggo bago
makarating sa Maynila. Dahil sa di mabilang na
pinatawad, napabantog ang heneral sa pagiging
matulungin at mahabagin. Dali-dali namang idinagdag ni
Ben Zayb ang mga katangiang ito sa talaan ng mga
papuri niya sa kanyang kamahalan.

Ang tanging hindi nakalaya ay ang kaawa-awang si
Basilio. Pinaratangan pa siyang nag-iingat ng mga
ipagbabawal na mga aklat. Hindi matiyak kung ang
tinutukoy ay ang Medicina Legal Y Toxicologia ni Dr.
Mata o ang ilang polyetong natagpuan sa kanyang silid
na may kinalaman sa Pilipinas o lihim na nagbibili ng
mga aklat na bawal. Nabuhos na lahat sa kulang-palad
na si Basilio ang bigat ng katarungan.

Sinasabing may nakapagpayo sa heneral na: "
Kinakailangan pang may maiwang isa sa bilangguan upang
mapanatili ang karangalan ng mga namumuno. At kung
hindi, maaarng masabi na gumawa tayo ng katakut-takot
na ingay gayong wala namang anumang nangyari.
Kapangyarihan muna bago ang lahat. Kailangang may
maiwan."

"May isang naiwan na ayon kay Padre Irene ay dating
utusan ni Kapitan Tiyago. Walang maghahabol sa kanya."

"Isa katulong at isang mag-aaral!" ang bulalas ng
kapitan heneral. "Kung gayon, iyan na ang maiiwan."

"Ipagpatawad po ng kanyang kamahalan," ang puna ng
mataas na kawaning nagkataon ay naroon. "May
nakapagsabi sa akin na ang binatang ito ay isang
magaaral ng medisina at pinupuring mabuti ng kanyang
guro. Kung mananatili siya sa bilangguan, masasayang
naman ang isang taon, Ngayon pa naman ang huling taon
niya."

Ang pakikialam ng mataas na kawani para kay Basilio
ay nakasama sa halip na nakabuti. Matagal nang may
iringan ang mataas na kawani at ang kanyang
kamahalan-- di mabuting pasasamahan at pagkakaunawaan
na pinalala ng mga di kanais-nais na bulung-bulungan.
Palibak na ngumiti ang kanyang kamahalan at sumagot.

"Siyanga ba? Kung gayon, lalong dapat siyang maiwan
sa bilangguan. Ang isa pang taon sa pag-aaral ay di
makasasama sa kanya, sa halip ay makbubuti pa sa kanya
at sa lahat ng kanyang mapahlilingkuran. Ang labis na
pagsasanay ay hindi nakapagpapasama sa isang
manggagamot. Lalo pa siyang dapat maiwan! At
pagkatapos," ang dagdag ng kanyang kamahalan na
pakutyang tumawa, " sasabihin ng mga di-nasiyahang
repormista na di natin pinangangalagaan ang ating
bansa.

Napaghulo ng mataas na kawani ang kanyang
pagkakamali. Lalo pa siyang naging masigasig sa
pamamalasakit kay Basilio.

"Ngunit sa aking palagay, ang binatang iyon ay walang
kasalanan sa lahat," ang maingat na pagtutol ng
kawani.

"Nakasama ang mga aklat sa kanya," pakli ng kalihim.

"Oo nga, mga aklat ng medisina at polyetong sinulat
ng mga Kastila, na ang mga pahina'y hindi pa
nagugupit. Ano ang ibig sabihin nito? Bukod dito, ang
binata ay wala sa piging sa pansiterya ng Intsik at
hindi nakialam sa kahit anuman. Gaya ng sabi ko, siya
ang walang kasalanan sa lahat."

"Lalong mabuti!" ang masayang bulalas ng kanyang
kamahalan. "Sa ganyang paraan ang kaparusahan ay
magiging mas makabuluhan. At pagbabala upang katakutan
ng iba. Ganyan ang paraan ng pamamahala, mahal kong
kaibigan. Madalas ipinagpapakasakit ang kabutihan ng
nakararami. Ngunit higit pa riyan ang aking ginagawa.
Sa kagalingan ng isa ay natamo ko ang kagalingan ng
lahat. Napapanatili ko ang nanganganib na batas ng
kapangyarihan. Naitataas at napaparangalan ko ang
karangalan ng pamahalaan. Sa ginagawa kong ito,
naitutuwid ko ang kamalian ng ating mga pinuno at ng
iba."

Gayon na lamang ang pagtitimpi ng mataas na kawani.
Hindi niya pinapansin ang mga pasaring ng heneral at
umisip siya ng ibang kaparaanan.

"Ngunit hindi natatakot ang kanyang kamahalaan na
mapagbintangan?"

"Ano ang ikakatatakot ko?" ang nayayamot na sabat ng
heneral. "Hindi ba ako'y may kapangyarihang magpasya?
Hindi ko ba magagawa ang naisin ko para sa ikabubuti
ng pamahalaan ng kapuluang ito? Ano ang dapat kong
ikatakot? Maaari ba akong usigin sa hukuman ng isang
alila at papanagutin? Hindi maaari! At kahit na may
magagawa siya, kinakailangan niyang magdaan pa muna sa
Minesterio at ang ministro ay. . . "

Napakumpas ito ng kamay at bumulas ng tawa.

"Ang demonyo lamang ang nakakaalam kung nasaan ngayon
ang ministrong humirang sa akin. Lubha niyang
ikararangal ang bumati sa akin kung ako'y bumalik.
Hindi ko iniintindi ang kasalukuyang ministro.
Tatangayin din siya ng demonyo. At ang papalit sa
kanya ay magiging abalang-abala naman sa kanyanh
bagong tungkulin at hindi magkakaroon ng panahon para
sa maliliit na bagay. Ang aking budhi, ginoo, ang
aking tagasubaybay. Gumawa ako ayon sa inuutos ng
aking budhi. Malinis ang aking budhi. At hindi ko
papansinin ang sasabihin ng sinuman. Ang aking budhi,
ginoo, ang aking budhi!"

"Tunay nga po, heneral, ngunit an bayan. . . "

"Ano ang dapat kong gawin sa bayan? May pananagutan
ba ako rito? Utang ko ba sa bayan ang aking tungkulin?
Siya ba ang naghalal sa akin?"

Namayani ang sandaling katahimikan. Ang mataas na
kawani ang tumayong nakayuko. At nang tila
nakapagpasiya na ay nagtaas ng ulo, tumitig sa heneral
at namumutla na wari'y nangangatal, at pigil na pigil
na nagwika:

"Hindi iyan ang mahalaga, heneral, hindi lubhang
mahalaga. Ang inyong kamahalan ay hindi hinirang ng
sambayanang Pilipino kundi ng Espanya. Ito'y isa pang
dahilan kung dapat ninyong tingnan niyong mabuti ang
mga Pilipino upang huwag maparatangan ng Espanya. Opo,
heneral, lalong dapat pagpakitaan ng mabuti! Ang
inyong kamahalan ay nangako sa inyong pagdating na
mamamahala nang may katarungan, magsisikap para sa
ikabubuti. . . "

"At hindi ba iyan ang ginagawa ko?" ang tanong ng
kanyang kamahalan na lubhang nayayamot na at humakbang
pa na palapit sa kausap. "Hindi ba sinasabi ko sa iyo
na natatamo ang kagalingan ng lahat sa kagalingan ng
isa? Ako ba'y tuturuan ninyo sa aking tungkulin?
Kasalanan ko ba kung hindi niya maunawaan ang aking
ginagawa? Pinipilit ko ba kayong makihati sa aking
pananagutan?"

Hindi nga po," ang matigas na sagot ng mataas na
kawani. "Ang inyong kamahalan ay hindi namimilit at
hindi mapipilit na makibahagi sa kanyang pananagutan.
May sarili akong pagkaunawa sa aking pananagutan at
sasabihin ko ang mga ito. Matagal na panahon din akong
nagsawalang-kibo. Ang inyong kamahalan ay hindi dapat
magpamalas ng ganyan, sapagkat hindi dahil sa ako'y
naparito na may hawak ng gayon at ganitong tungkulin
ay isusuko ko na ang aking karapatan at magmimistulang
alipin na walang tinig, ni karangalan. Ayaw kong
mawala sa Espanya ang magandang lupaing ito, ang mga
nasasakop na walong milyong mamamayang masunurin at
matiisin, na nabubuhay sa kanilang pag-asa at mga
kabiguan. Ayaw ko ring dungisan ang aking kamay sa
pamamagitan ng di-makataong pagsasamantala sa kanila.
Ayaw kong masabi kailanman, na bagaman hindi na
ginagawa ang pagbibili ng mg aalipin, ay patuloy pa
rin ang Espanya sa paggawa nito, na ang panakip ay ang
kanyang bandila at pinaunlad pa sa pamamagitan ng
kapisanan. Hindi! Ang Espanya ay hindi kailangang
mapaniil upang maging dakila! Ang Espanya ay
makatatayo ng mag-isa. Lalo pang dakila ang Espanya
noong wala pa itong nasasakop kundi ang sariling
lupaing naagaw nito sa mga Moro. Ako ma'y Kastila rin.
Ngunit bago ang Pagka-kastila, ako ay isang tao at sa
ibabaw ng lahat, ang Espanya ay may sariling
karangalan, matatayog na simulain ng kagandahang-asal,
at walang kupas na simulain ng katarungan! Nagulat
kayo na ako'y mag-isip nang gayon, sapagkat hindi
ninyo nauunawaan ang kadakilaan ng panagalang Kastila.
Hinding-hindi! Inuugnay ninyo ito sa mga tao, sa mga
pag-aari. Sa ganang inyo, ang Kastila ay maaaring
maging pirata, mamamatay-tao, mapagbalatkayo, taksil o
kahit ano, huwag lamang mawala ang kanyang pag-aari.
Ngunit sa ganang akin, dapat na handang iwaksi ng
Kastila ang lahat, ang nasasakop, kapangyarihan,
kayamanan, at lahat na, huwag lamang ang karanagalan!
Ginoo, nasusuklam tayo kapag ang kapanyarihan ay
nangingibabaw sa katwiran, ngunit sa katotohanan,
pinupuri natin ang paggamit ng kapangyarihang
nagbabalatkayong baluktutin ang katwiran upang
magtagumapay. Mahal ko ang Espanya, kaya ako'y
nagsasalita ngayon. Hindi ako nababahala kung magalit
kayo. Hindi ko nais sa sa hinaharap ay maparatangan
siyang ina-inahan ng mga bansa, maninipsip ng mga dugo
ng mga tao, mananakop ng maliliit na pulo! Iyan ay
kakilakilabot na pagruyak sa mararangal na adhikain ng
ating mga unang hari. Paano tayo makatutupad sa
kanilang banal na hibilin? Pinangakuan nila ang mga
pulong ito ng pagkalinga at katarungan, ngunit
pinaglalaruan natin ang kanilang buhay at kalayaan.
Pinangakuan sila ng kabihasnan, ngunit pinagkaitan
natin sa takot na baka maghangad ang mga katutubo ng
lalong maranagal na kalagayan sa buhay. Pinangakuan
sila ng liwanag, ngunit nilagyan natin ng piring ang
kanilang mga mata, upang huwag makita ang ating mga
kalaswaan. Pinangakuan silang tuturuan ng kabaitan,
ngunit pinalago natin ang kanilang masasamang hilig.
sa halip na kapayapaan, katarungan, at kaunlaran
namayani ang kaligaligan at pag-aalinlangan. Ang
pangangalakal ay namatay. Nawalan ng pananalig ang mga
taong bayan. Lumagay tayo sa kalagayan ng mga
Pilipino. Itanong natin sa ating mga sarili kung ano
ang ating gagawin. A! Sa inyong di pag-imik ay
nababasa ko ang kanilang karapatang maghimagsik. Kapag
hindi magbabago ang pamamalakad, maghihimagsik sila
balang araw. Ang katarungan ay malalagay sa kanilang
panig, kasama na ang pagsang-ayon ng mga marangal na
tao at ng mga bayani sa buong daigdig. Kapag
ipinagkait sa isang bayan ang liwanag, ang mga
tahanan, ang pag-aaral, kalayaan, katarungan, mga
biyayang kung wala ay hindi maaaring mabuhay, na
siyang pamana sa sangkatauhan, ang bayan ay may
karapatang ituring ang sinumang mapagsamantala sa
kanila na magnanakaw na humarang sa daan. Walang
ibibigay na pagtatangi o pagkakaiba. Iisa ang
kasalanan, ang kalapastangan ng mga karapatan. Ang
sinumang taong hindi kumampi sa pinaslang ay kasabwat
at dinudungisan ang sariling budhi. Hindi ako isang
militar. Namamatay na ang kaunting apoy na nag-aalab
sa aking dugo. Ngunit mamatamasin kong
magkagutay-gutay ang aking katawan, maipagtanggol ko
lamang ang karangalan ng Espanya laban sa mga dayuhang
mananakop o laban sa walang katarungang paggalaw ng
kanyang mga lalawigan. Tinitiyak ko sa inyo na
papanigan ko ang mga Pilipino kapag sila'y naaapi,
sapagkat pipiliin ko pa ang mamatay para sa
niyuyurakang karapatan ng sangkatauhan, kaysa
magtagumpay kapanig ng isang bansa, na ang hangarin ay
ikagaling lamang ng kanyang sarili, kahit na ang
bansang iyon, ay ang bansang Espanya."

"Alam ba ninyo kung kailan aalis ang susunod na
barkaong pang-koreo?" ang malamig na tanong ng kanyang
kamahalan pagkatapos makapagsalita ang mataas na
kawani.

Tinitigan lamang siya ng mataas na kawani, iniyuko
ang ulo, at tahimik na lumisan sa palasyo.

Naghihintay na sa kanya ang karwahe sa halamanan.

"Kung balang araw ay nakapagsarili na kayo," ang sabi
niya sa Indiyong Lacat na nagbukas ng pintuan ng
karwahe, "alalahanin ninyo na sa Espanya ay may mga
pusong tumibok nang dahil sa inyo at nagtanggol sa
inyong mga karapatan!"

"Saan po, Ginoo?'' ang tanong ng lacay na hindi siya
naunawaang mabuti.

Pagkaraan ng dalawang oras, nagharap ng pagbibitiw sa
katungkulan ang mataas na kawani at ipinabatid ang
kanyang pagbabalik sa Espanya sa susunod na pag-alis
ng barkong pang-koreo.

Princess Shelmerry
IV- Rodriguez

> Antonio Mas
> Maica Andrea Prado
> Krenz Kazmeer Ulao
> Princess Shelmerry Dawn Que
Dawn Que



No comments: